ni Nicai de Guzman; mga litrato ni Kat Candelaria
Noong ako’y nasa elementarya at hayskul, palagi akong nasa silid-aklatan. Nakakahiyang aminin pero hindi ko talaga pinapansin noon ang Filipiniana section. Nang maging miyembro ako ng Heritage Conservation Society-Youth ay saka ko lamang binigyang pansin ang mga akda ng sarili nating kababayan, partikular ang mga tungkol sa kasaysayan.
Ang mga librong nakalista dito ay ilan lamang sa mai-rerekumenda ko at ng mga kasamahan ko sa HCS-Youth para patuloy nating pahalagahan ang mga alala ng nakaraan.
1. Women of Malolos ni Nicanor G. Tiongson
Maraming pamilyar sa mga kababaihan ng Malolos dahil sa pagsulat ni Jose Rizal ng liham sa kanila. Sa librong ito, sinaysay ng propesor na si Nicanor Tiongson ang buhay ng mga kababaihang ito at ang importanteng papel na kanilang ginampanan noong rebolusyon.
2. Lugar: Essays on Philippine Heritage and Architecture ni Augusto F. Villalon
Isa itong koleksyon ng mga sanaysay tungkol sa arkitektura ng iba’t ibang panahon ng kasaysayan sa Pilipinas. Hindi siguro natin naiisip na kapantay natin ang mga bansa sa Europa, lalo na sa usapin ng arkitektura. Sa librong ito, mapapatunayan nating nagkaroon tayo ng mga magagaling na arkitekto at mayroon din tayong mga maipagmamalaking built o structural heritage.
3. Manila, My Manila ni Nick Joaquin
Maraming residente ng Maynila—lalo na ang mga kabataang lumaki rito—ang makakapagsabing hindi nila kayang ipagmalaki ang siyudad. Ngayon ay sobrang siksikan na at patuloy pa ang urban decay. Sa libro ni Nick Joaquin, isang National Artist at Manileño, isang kakaibang Maynila ang kanyang ipinapakita: Ito ang Maynilang puno ng kasaysayan, kagandahan at dangal.
4. Ermita ni F. Sionil Jose
Ang Ermita ay tungkol sa buhay ng mga mayayaman noong panahon ng giyera, pati na noong panahon ni Dating Pangulang Ferdinand Marcos. Ang bida ay si Ermi, isang prostitute na gustong maghiganti sa pamilya na umabandona sa kanya. Nangingibabaw ang tema ng pagiging kasangkapan ng isang babae, lalo na sa mga eksena ng rape at pagbebenta ng laman.
5. Cine: Spanish Influences on Early Cinema in the Philippines ni Nick Deocampo
Paano nga ba nagsimula ang pelikulang Pinoy? Uso na ba mga love teams noon? Bagay ang librong ito sa mga nag-aaral ng pelikula dahil sa pagiging detalyado nito, tulad na lang ng impluwensya ng mga banyaga sa sinaunang pelikula, pati na rin ang impluwensya ng relihiyon at politika.
6. The Woman Who Had Two Navels ni Nick Joaquin
Isa na naman itong makasaysayang nobela tungkol sa mga karanasan ng isang pamilya pagkatapos ng giyera. Gaya ng sinasabi ng pamagat, ang karakter na si Connie ay naniniwalang siya ay may dalawang pusod. Ginamit na simbolismo ang pusod bilang isang bagay na nagkokonekta sa atin sa nakaraan.
7. Kangkong 1896 ni Ceres SC Alabado
Isa itong required reading sa amin noong hayskul at masasabi kong ito rin ang una kong binasang historical fiction. Isa rin itong young adult fiction dahil sa coming-of-age na tema nito. Ang bida sa nobelang ito ay si Plorante, isang kinse anyos na Katipunero. Nakasaad sa nobela ang mga karanasan niya sa mga unang araw ng rebolusyon, kasama na ang pagpupulong sa Kangkong, Balintawak ng mga matataas na opisyal ng Katipunan.
8. Rizal’s Teeth, Bonifacio’s Bones ni Ambeth R. Ocampo
Kilala si Ambeth Ocampo bilang propesor sa Ateneo na nagpapakabihasa sa ating pambansang bayani. Ang Rizal’s Teeth, Bonifacio’s Bones ay koleksyon ng kanyang mga sanaysay at lectures ukol sa mga kontrobersyal na paksa sa buhay ng mga bayaning nabanggit. Isang halimbawa nito ay ang mga akusasyon na si Rizal ay si Jack the Ripper. ☁
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang NCCA website.
Itong Recommended Read ay para sa #BuwanNgMgaAkdangPinoy.
Anything to share? :)