Submit your: Art / Comics / Poetry / Reviews / Stories

Story Submission: ‘Happy Anniversary’

ni Reysielyn Bueno

Nagising ako dahil sa tunog ng alarm clock. Inabot ko ito at saka pinatay. Nag-unat ako kahit na nakapikit pa rin. Gusto ko pang matulog pero hindi na puwede dahil paniguradong magagalit na naman siya.

Unti-unti kong idinilat ang mga mata at muling nag-inat. Bumungad naman sa akin ang napakagandang mukha ni Jam.

“Good Morning, Mylabs!” bati ko sa kanya. Hindi niya ako sinagot bagkus lumapit na lamang siya at niyakap ako.

“Antok pa?” tanong ko sa kanya at sinagot niya naman ako ng tango.

“Asus! Mahiga ka na muna at maghahanda ako ng almusal natin,” nginitian ko siya bago ako lumabas ng kuwarto.

Dumiretso na muna ako ng banyo para maghilamos at magmumog.

Binuksan ko ang ref at naghanap ng maluluto. Buti may ham pa. Kinuha ko naman kaagad `yon at naghanda ng gagamitin para maprito ko na.

Hindi ko namalayan na bumaba na pala si Jam dito sa kusina. Nang nilingon ko siya, nakita ko siyang palapit sa akin.

“Gutom ka na? Saglit nalang ‘to,” sabi ko. Nahinto ako saglit nang yakapin niya ako mula sa likod. Naglalambing na naman siya.

“Gusto mo ng fried rice, Mahal?” tumango lang siya bilang sagot. Mukhang gutom na nga talaga siya.

Nang mailagay na sa plato yung ham kaagad din naman akong nag-sangag para makakain na. Ayoko rin namang nagugutom si Jam.

Inakay ko na siya sa upuan niya at nang makaupo na siya, umupo na rin ako sa kaharap niyang upuan. Nagkuwentuhan at nagkulitan kami habang kumakain.

Nang matapos kaming kumain, hinugasan ko na rin kaagad ang aming mga pinagkainan.

Pumanhik ako sa kwarto at nakita ko siyang nagbabasa ng libro. Hinalikan ko naman siya sa pisngi kaya nakuha ko ang atensyon niya.

Busy ka naman yata masyado riyan, Mahal? Nga pala, mag-go-grocery lang ako saglit. Hintayin mo ako, Mahal, ah?” Muli ko siyang hinalikan at sa pagkakataong ‘to sa labi na. Hindi ko na hinantay pa ang sagot niya at kaagad din akong umalis para mamili.

Naisip kong magluto ng kaldereta kaya naman `yong mga putahe na lang muna nuon ang binili ko. Paborito ni Jam ang kaldereta kaya paniguradong matutuwa ‘yon at mapaparami nanaman ang kain niya.

Nang mabayaran ko na ang pinamili ko, kaagad din naman akong umuwi sa bahay.

“Mahal, andito na ako!” sigaw ko. Hindi na ako dumiretso sa kuwarto at sa kusina na ako kaagad pumunta. Napatingin ako sa relo ko at nakitang maga-alas diyes na, sakto maluluto na ‘to bago magtanghalian.

Nang maluto na `yong kaldereta, inilagay ko na siya sa maayos na lalagyan. Mamaya ko na lang tatawagin si Jam, maliligo na lang muna ako para makapag-ayos na rin.

Nagising ako dahil may pumatak sa mukha ko. Dinilat ko naman kaagad ang mga mata ko. May araw naman pero umaambon. Si Mahal talaga, ibang klase talaga manggising. Bumangon ako mula sa pagkakahiga at tumingin sa harap ko, kay Jam.

“Mahal namimiss na kita. Sobra-sobra na `yong pangugulila ko sa `yo. Hindi pa ba ako puwedeng sumunod sa `yo riyan? Mahal na mahal kita. Mahal, Happy 4th anniversary!” kasabay ng pagpatak ng luha ko ang pagbuhos ng ulan. ☁

Advertisement

Anything to share? :)

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: