ni KB Meniado
Hindi ako ang number one super hardcore fan ni Manix Abrera. Paminsan-minsan ko lang nasusubaybayan ang Kikomachine Komix! niya sa Inquirer, pati na rin ang News Hardcore niya sa GMA News Online.
Sa katunayan, noong 2014 ko lang siya simulang sundan matapos kong mabasa yung Travel Hardcore sa Smile Magazine habang papunta kami ng Tokyo. At noong 2015 ko lang simulang basahin ang kanyang mga libro. (Salamat, Bea!)
Kaya noong may pagkakataong mabasa ang kanyang pinakabagong koleksyon ng komiks, HWOOOH! Siyempre, hindi na ako nagpatumpik-tumpik.
ANG KWENTO
Ipinapakita ng News Hardcore ang “behind-the-scenes” na mundo ng media ~ may naghahari, may inaapi, may peke at may marangal, may malungkot, at higit sa lahat, may nakakatawa. Read reviews: Goodreads
MGA NAGUSTUHAN KO
Journalism ang kinuha kung kurso noong kolehiyo, at naka-tatlong taon din ako sa media, kaya’t halos abot himpapawid ang tawa ko sa mga hirit sa 226 komiks na nakapaloob sa koleksyong ito. Ka-haggardan? MISMO! Pero hardcore din na katatawanan!
Mula sa pagkalap at pag-ulat ng balita, pakikisama sa mga kapwa miyembro ng media at iba pang mga bagay na kasama sa industriyang ng aksyon, drama at kwela, lahat na yata’y natumbok ni Manix. (Siyempre, malaking tulong din na tatay niya si Jess Abrera!) Hindi ‘exaggerated‘ ang mga karanasang inilalarawan at saktong-sakto sa ‘humor‘ ng Pinoy.
SUBALIT
Dalawang bagay lang:
- Format ng libro (may kabigatan, halos tatlong dangkal ang lapad kapag nakabukas na maaaring magdulot ng kahaggardan sa kamay ng mambabasa)
- Maling baybay ng mga salita
SA MADALING SALITA
Lalayo pa ba ako sa sinabi ni Ginoong Severino?
Huwag mag-alala—journalist ka man o hindi, tiyak na mapapatawa ka nito. As in. ☁
Anything to share? :)