ni Jane Galvez
Hindi swerte si Kim sa mga pa-raffle. Noong elementary palang s’ya, hindi s’ya nanalo ng kahit anong papremyo sa paaralan. Kahit nga consolation prize, hindi s’ya nakatanggap.
Pero hindi ibig sabihin noon hindi napipili si Kim sa mga bunutan. Sa kolehiyo, s’ya palagi ang unang natatawag sa recitation sa tuwing class cards ang bunutan ng guro n’ya. Paminsan naiisip ni Kim na siguro malas s’ya, kasi nabubunot lang s’ya sa mga pagkakataong ayaw n’yang mabunot.
Kahit nga sa exchange gift, ang kalimitang nakakabunot sa kanya ‘yung mga taong mukhang ‘di nag-iisip sa ipang-reregalo. Noong nakaraang taon, pinag-isipan ny’ang mabuti kung ano ang ilalagay sa wishlist. Sawa na s’yang makatanggap ng mga regalong di n’ya naman nagagamit. Pero sa limang inilista n’ya, na tinala n’ya pa talaga kung saan mabibili, pinaghalong alarm clock at picture frame ang natanggap n’ya. May larawan n’ya pa na mukhang kinuha lang sa Facebook profile n’ya.
Dahil dito, natuto na rin si Kim na hindi umasa sa pagkakataon. Kahit nga sa pagsasagot ng multiple choice exam hindi na s’ya nagbabakasali. Mag-aaral na lang s’ya dahil kailan ba s’ya sinwerte sa panghuhula sa exam?
Mabuti na rin siguro na nangyari kay Kim ang mga nangyari. Nakabuti rin ito dahil natutong s’yang maging sigurista, sa halip na puro na lang swerte ang aasahan.
Isang beses lang nagbakasakali si Kim. Hindi n’ya alam kung anong nangyari at nagawa n’ya ‘yun. Siguro tawag ng laman. O maaaring hindi lang din n’ya alam kung anong mali kung susubukan. Pero nakalimutan n’yang s’ya nga pala si Kim, at hindi s’ya ang taong umaasa lamang sa pagkakataon.
Hawak-hawak ang pregnancy test, napagtanto n’ya na ang daming senyales noong araw na ‘yun ang pumigil sa kanya. Pero hindi s’ya nagpa-awat. Naalala rin n’ya ang mga mumunting boses na sinubukan s’yang kumbinhinsing huwag pumayag.
“Huwag kang tumuloy.”
“Kailan ka pa naging tanga?”
“Alam mo namang tumatama ka lamang sa tuwing dehado ka.”
“Fourth year ka na, huwag mong sayangin.”
Pero tumuloy pa rin s’ya. Eto s’ya ngayon, nagkukulong sa isang stall sa C.R. sa ibang departmento. Ayaw n’ya lamang makakita ng kakilala paglabas n’ya dito. Alam n’yang ilang minuto na ang nakaraan mula nang lumbas ang resulta, pero hindi n’ya pa rin magawang tingnan ito.
Sampung beses n’ya nang nabasa ang vandalism sa pinto ng cubicle. ‘Yung iba nagpapakamakata pa. ‘Yung iba walang ibang alam kundi manlait. Hindi n’ya kilala si Jenny, pero naawa s’ya sa pangit na drawing na may marka ng pangalan nito. May isa pa, inaapi dahil hindi na raw virgin.
Limang minuto.
Hahayaan na lang n’yang isipin ng iba na may ginagawa s’yang himala sa banyo. Ayaw n’ya pang lumabas. Magkukulong s’ya dito kahit abutin pa s’ya ng awasan kung kinakailangan.
Dalawang minuto.
Late na s’ya sa appointment n’ya sa kanyang adviser. Pag-uusapan daw nila ang thesis ni Kim. Maraming kailangang baguhin. Mukhang masyadong maraming discrepancies sa resulta. Tadtad ng mali-mali sa balarila.
Marami pang kailangang itama. Puno ng pagkakamali – parang s’ya.
Isang minuto.
Isang malalim na buntong-hininga bago s’ya magdesisyon na siguro kailangan na talagang harapin ang kapalaran n’ya.
Limang segundo.
Tama na naman ang hinala n’ya. Dehado na naman s’ya. ‘Yung iba, paulit-ulit. Linggo-linggo sa loob ng ilang taon, pero walang nabuo. Pero s’ya, sa iisang pagkataon na ginawa nila, nagbunga pa.
Gaano kamalas si Kim? ☁
Anything to share? :)