ni Lucille de Mesa
ANG KWENTO
Ang One Day series ni Amae de Chavez ay umiikot sa dalawang karater na sina Maylie at Ethan. Tungkol ito sa kanilang namumuong pagkakaibigan na naging pag-iibigan.
Ang One Lovely Summer Day ay tungkol sa dalawang magkaibang tao na pinagsama sa tahimik at magandang bayan ng Pila, Laguna. Si Maylie ay isang batang babae na palipat-lipat ng tinitirahan dahil sa situwasyon ng kanyang pamilya at si Ethan naman ang “boy-next-door.” Naging matalik na magkaibigan sila hangga’t isang araw, nahulog ang loob ni Ethan kay Maylie. Samantala, ang One Sweet November Day naman ay tungkol sa buhay-kolehiyo ni Ethan.
MGA NAGUSTUHAN KO
Isa ito sa mga kwentong kung saan ang pagliligawan at pag-iibigan ay yung tipong naririnig na lang natin sa mga matatanda. (“Noong kabataan namin…”) At oo, kinilig ako dahil doon. Napangiti ako sa mga simpleng banat ni Ethan kay Maylie at sa mga simpleng dates nila.
Nagustuhan ko rin ang pagkakalarawan ng may-akda sa mga lugar kung saan nangyari ang kwento. Napunta ako sa liblib at tahimik na bayan ng Pila, Laguna at sa UP Los Baños (kung saan pumasok si Ethan ng kolehiyo). Minsan lamang ako makapagbasa ng librong hindi ako nahirapang dalhin ang aking sarili kung saan ito nagaganap.
KASO…
May mga pagkakataong nawawala ako sa kwento habang nagbabasa. (Baka dahil na rin minsan lutang din ako pagod, hehe). Halimbawa, may isang situwasyon sa One Sweet November Day na nabigla na lamang ako at nangyari iyon. Wala man lang babala, basta bigla na lamang lumaktaw yung kwento.

Dagdag pa riyan, ang pagkaka-format ng ebook ay kailangan pang ayusin dahil sa dami ng puwang na ginamit. Parang nagalit ata sa Enter key ng laptop o ang may-gawa nung libro.
SA MADALING SALITA
Aksidente lamang na binasa ko itong mga librong ito—nagulat pa nga ako na nasa Filipino ito—pero nagpapasalamat na lamang ako at hindi ko inatrasan. Ibinalik naibalik ako ng mga novelette na ito sa mga panahon na walang text mates, app-based dating at online dating. Simpleng panliligaw na hindi naman kailangan i-YouTube at maging viral pa para masabing “sweet.” Ipinakita at ipinadama sa akin ng librong ito na ang pag-ibig, kahit simple lamang ay maaaring tunay pa rin. ☁
Anything to share? :)