Submit your: Art / Comics / Poetry / Reviews / Stories

#BookbedFictory 007: ‘Makita Kang Muli’

by Christine May Romias

Prompt: Panaginip lang pala ang lahat.

Kasabay nang malakas na pagkulog at pagkidlat ay ang katotohanang malapit na akong mamaalam sa mundo. Takot na takot ako habang nakakuyom ang aking kamay sa aking dibdib, nagtatago sa ilalim ng lamesa. Kumakalabog ang aking puso sa sobrang tensyon sa paligid. Paano ako aalis sa isang lugar na ngayon ko lang nasilayan? Paano ko ililigtas ang sarili ko sa gulong kinasadlakan ko ngunit hindi ko alam kung paano nagsimula?

Narinig ko pa ang pagsigaw ng isang lalaking may malaking boses. “Hanapin ninyo ang babae. Huwag niyong hahayaang makatakas.”

Mga yabag ng mga taong nagtatakbuhan sa paligid ang aking narinig hanggang sa unti-unti itong naglaho. Marahil ay wala na sila. Marahil ay hindi na sila babalik kung kaya ay minabuti kong lumabas na mula sa aking pinagtataguan at dali-daling nagtatakbo palabas ng silid. Hinahanap ang daan palabas ng gusaling bago lamang sa aking paningin. Mga pader na yari sa bato. Magulo ang paligid at punung-puno ng mga basag na bote at sirang mga upuan. Nadaanan ko pa ang isang silid na may gumuhong kisame, basang sahig at mga lumot. Mukhang pinaglipasan na ng panahon. Para itong isang abandonadong paaralan o hindi naman kaya ay isang gusali na hindi tinapos at ginawang tambayan ng mga bandidong walang pangalan.

Hahapo-hapo akong napasandal sa riles ng hagdan. Pakiramdam ko ay walang katapusan ang aking pagbaba. Tinanaw ko ang makulimlim na langit habang bumabagsak mula rito ang maliliit na patak ng ulan. Nasaan ako? Sino ang mga taong humahabol sa akin? Mga katanungang patuloy na bumabagabag sa aking isip.

“Boss, nakita na namin ang babae!”

Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses at tila tumigil ang aking paghinga nang makita ko ang mga mata nitong direktang nakatingin sa akin. Nagmamadali akong tumakbo pababa ng hagdan habang maingat pa ring iniaapak ang aking tsinelas sa bawat baitang nitong makinais at basa ng tubig ulan na nagmumula sa butas na bubong na kinakalawang. Isang maling hakbang ko lang ay maaari kong ikamatay.

Nagulat ako nang makarinig ako ng malalakas na putok ng baril mula sa aking likuran na tumama sa riles ng hagdan na siyang aking ipinagpasalamat dahil hindi katawan ko ang sumalo ng mga balang iyon. Ngunit huli na nga ba ang lahat para sa akin? Nanakit ang aking sikmura at tuluyan akong napaluhod sa sahig dahil sa sakit nang maramdaman ko ang isang malakas na suntok na tumama rito.

Gamit ang isang kagamitang parang telepono ay kaagad nitong itinapat ang kaniyang bibig sa ibabang bahagi nito at nagsalita.

“Hawak ko na siya, boss. Tutuluyan ko na ba ‘to?”

Isang boses mula sa kagamitang iyon ang narinig kong sagot ng lalaking may malaking boses.”Huwag. Kailangan natin siya ng buhay.”

Tumango ito sabay ngiti at dampot sa akin. “Pasalamat ka at mabait ang boss namin.”

Nagpupumiglas ako sa higpit ng pagkakahawak niya sa aking braso. Paniguradong babakat ito sa aking balat. “Ang kakapal ng mga mukha niyo! Sino ba kayo? Anong kailangan niyo sa akin?”

“Wala kang karapatang magtanong at wala ka sa posisyon para sigawan ako!”

“Pwe! Wala akong pakialam sa sinasabi mo!”

Naramdaman ko na lang bigla ang pagdapo ng palad nito sa aking mukha. Nangingirot ito sa sakit, lalo na at ito ang unang pagkakataon na nasampal ako.

“Ayusin mo ang pananalita mo kung ayaw mong putulin ko iyang dila mo.”

Minabuti ko na lang na manahimik muna. Takot ang namamayani sa puso ko. Halos lumabas ang puso ko sa aking dibdib dahil sa lakas ng pagpintig nito. Kung kamatayan ang siyang kahahantungan ko ngayon, maaari bang hilingin kong makilala ang taong nakatadhana para sa akin?

Malalakas na lagabog ang aking narinig sa itaas na bahagi ng gusali. Malalakas na putok ng baril ang siyang umaalingawngaw sa paligid. May nangyayari kayang milagro sa taas? Posible kayang mabuhay pa ako kahit sandali?

At sa isang iglap ay natagpuan ko na lang ang lalaking sumampal sa akin na nakahandusay sa sahig kasunod ang pagtama ng aking paningin sa isang hindi pamilyar na lalaki. May sapat itong pangangatawan, maamong mga mata, saktong kapal ng kilay, mapulang labi, matangos na ilong, kayumanggi ang kulay ng kaniyang balat at may taas na 5’8 sa aking palagay. Diretso itong nakatingin sa akin habang nananatiling walang imik. Sandali pa kaming nagkatitigan habang patuloy lang ako sa pag-iisip kung sino ang lalaking ito.

Kalaban ba siya o kaaway?

“Tititigan mo na lang ba ako? Tumayo ka na diyan.”

Napapitlag ako nang maalala ang mga nagaganap ngayon sa buhay ko. Marahan akong tumayo at nagulat pa ako nang maramdaman ang pagdampi ng mainit niyang palad sa aking pisngi.

“Namumula ang pisngi mo,” sabi niya.

“B-bitawan mo ko. S-sino ka ba?” tanong ko sabay atras.

“Huwag mo na ngang itanong kung sino ako. Ang mahalaga ay ang mailigtas kita at maprotektahan sa mga gustong pumatay sa iyo,” tugon nito na siya namang ikinabigla ko. Para akong nasa isang palabas na bakbakan kung saan ako ang kapareha ng bidang lalake.

Nagulat na lang ako nang bigla akong hatakin ng lalaki dahilan para masubsob ako sa kaniyang dibdib na tilay ay kay sarap yakapin. Idagdag pa ang amoy niyang mabango kahit na naliligo na siya sa pawis. Hindi ko naiwasang mapatitig sa kaniya. Hanggang sa tuluyang magising ang aking pagpapantasya dahil sa mga putok ng baril na muntik ng tumama sa amin.

“Mamaya mo na ako titigan kapag nakaalis na tayo sa lugar na ito,” sambit nito.

Pinamulahan naman ako ng pisngi. Pakiramdam ko ay masyado na akong halata. Hindi naman kasi maipagkakailang gwapo talaga siyang lalake. Para siyang anghel na ibinaba ng Diyos para iligtas ako. Ang aking magiting na kabalyero, hindi nga lang nakasakay sa kabayo at walang suot na baluti.

Napasigaw na lang ako nang muli ay muntik na kaming tamaan ng mga balang nagmumula sa mga kaaway. Naramdaman ko na lang ang paglutang ng mga paa ko sa sahig at sa isang iglap ay buhat-buhat na ako ng kaniyang mga braso. Para lang kaming bagong kasal, kinaiba nga lang ay tumatakbo kami palayo sa mga kaaway.

Nang makarating na kami sa pinakaibabang bahagi ng gusali ay doon na siya nagpasya na salubungin ng putok ang bawat pag-atake ng kalaban. Sa isang poste namin pinagkakasya ang aming mga katawan upang hindi tamaan ng mga lumilipad na bala. Halos mabitak na ang mga bato sa lakas ng pagtama ng mga balang sinasalo nito. Wala akong ginawa kung hindi sumigaw habang nagtatakip ng tenga upang maiwasan ang mabingi sa ingay ng paligid. Ilang minuto rin kami sa ganoong senaryo hanggang sa tuluyang tumahimik ang paligid. Humarap siya sa aking pawis na pawis, magulo ang buhok at tila katatapos lang sumabak sa isang madugong gera sa ayos ng itsura niya.

Napansin ko naman ang paghawak niya sa kaniyang balikat at nakita ko na lang ang dugong nagmumula roon.

“May sugat ka,” sabi ko at akmang hahawakan sana ito ngunit pinigilan niya ako.

“Huwag. Masakit pero huwag kang mag-alala. Ayos lang ako,” sagot nito.

“Sigurado ka? Baka maubusan ka ng dugo.” Pinunit ko ang laylayan ng aking suot na damit at itinali ito sa balikat niyang may sugat.Β Hindi na rin naman siya nagprotesta pa sa aking ginawa.

“Daplis lang naman ito. Malayo sa bituka. Ang mahalaga ay ligtas ka na. Mabuti pa ay umuwi na tayo,” sabi nito at inalalayan ko naman siya.

Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang maisip ang mga nangyari. Nakokonsensya ako na kasalanan ko kung bakit nadamay pa ang lalakeng kasama ko ngayon. Hindi ko na nga siya kilala, masasaktan pa siya ng dahil lang sa pagliligtas niya sa akin. Paano na lang kung mamatay siya? Hindi ‘yon kakayanin ng konsensya ko. Ngunit tila malakas yata ang pakiramdam ng isang ito dahil nalaman niya ang nilalaman ng isip ko.

“Ayos lang ako. Hindi ako mamamatay. Huwag kang mag-alala,” paniniguro niya.

“Hindi mo ako mapipigilang mag-alala lalo na at ako ang dahilan kumbakit ka nasugatan.” Hindi ko alam pero sa mga sandaling iyon ay hindi ko na napigilan pang mapaluha.

“Wala kang kasalanan. Kagustuhan kong iligtas ka at protektahan. Hindi ako makapapayag na mapahamak ka.” Naramdaman ko na lang ang pagdampi ng kaniyang palad sa aking pisngi at ang hinlalaki niya na humawi sa aking mga luha.

Naglalakad kami habang binabagtas ang daan na hindi ko alam kung saan patutungo. Ngunit sa kabilang banda ay hindi ako natatakot basta kasama ko lang ang lalaking ngayon ay hawak-hawak ang aking kamay, ang lalaking pinagkakautangan ko ng aking buhay.

“Itatanong ko lang sana kung ano ang pangalan mo?” Hindi na ako napakali at itinanong ang kanina pa bumabagabag sa akin.

“Hindi na mahalaga ang pangalan ko. Ang mahalaga ay ligtas ka.” Paulit-ulit lamang siya na binibigkas ang mga salitang iyon.

Ayaw niya ba na makilala ko siya?

“Sasabihin mo lang naman ang pangalan mo bakit parang ayaw mo pangβ€””

Hindi ko na naituloy ang sasabihin nang bigla kong maramdaman ang pagyanig ng lupa. Sa sobrang lakas ng pagyanig ay mamamasdan ang pagsayaw ng mga kabahayan at puno sa paligid.

“Lumilindol!” Kaagad akong kumapit sa kaniyang braso sa takot na mapahamak.

Ilang minuto pa ay may isang bulalakaw ang nakita namin na pabulusok pababa hindi kalayuan sa lugar kung nasaan kami. Tuluyan itong tumama sa lupa na siyang naging dahilan ng kasunod na mas malakas na lindol na siyang naging sanhi ng pagbuka ng mga lupa. Kaagad niya akong binuhat muli at saka ay tumalon sa tuktok ng isang kabahayan.

Nagulantang ako at napaisip. Tao ba ito? Para siyang isang karakter sa kartun na napapanood ko kung saan nagagawa niyang kumilos ng mabilis at lumundag sa napakataas na gusali.

Napalingon siya sa akin nang marinig ang aking pagpalakpak. Hindi ko naiwasan sa labis na pagkamangha kahit na nasa kalagitnaan na kami ng trahedya.

“Masaya ka pa? Baka mamatay na tayong tuluyan dito,” sabi niya.

“Hindi kasi ako makapaniwala na makakalundag ka ng ganoon kataas,” sagot ko.

“Anong bago roon?” tanong nito.

“Hello? Sa mga palabas ko lang syempre nakikita ang mga ganoong eksena at kakayahan kung saan lahat ay may daya. Ngayon ko lang nalaman na maaari pala itong mangyari sa akin sa totoong buhay.” Nakaangkla ang aking mga kamay sa kaniyang batok habang siya ay patuloy sa paglundag sa ibabaw ng mga gusali at kabahayan upang maiwasan ang panganib na maaaring makasakit sa amin. Pakiramdam ko tuloy ay ako si Kagome at siya si Inuyasha, ang paboritong kartun na pinapanood ko sa aming telebisyon. Masasabi kong siya talaga ang aking tagapagligtas.

“Tumahimik ka na lang. Masyado kang matanong.”

Hindi na rin naman ako nangulit pa. Unti-unti namang dumilim ang kalangitan at biglang bumuhos ang malakas na ulan. Huminto ang pagyanig ng lupa at huminto rin siya sa pagtalon sa itaas ng isang mataas na gusali. Napalingon kami sa isang batang lalaking nakatayo rin doon at nakatitig sa amin.

“B-bata, may problema ba?” tanong ko nang mapansin na hindi nito inaalis ang pagkakatitig sa amin.

“Kasintahan mo ba siya, ate?” tanong nito. Napalingon naman ako sa katabi kong tila naghihintay sa isasagot ko.

“Ha? Naku, naku, hindi!” mariing pagtanggi ko. Totoo naman kasi. Katunayan ay hindi ko nga kilala ang tagapagligtas kong ito, eh. Kung sino siya at kung saang lupalop siya nanggaling, wala akong alam.

“Akala ko kasi kasintahan mo siya, hindi kasi kayo bagay,” sabi nito at pagkaraan ay tumakbo ito patungo sa hangganan ng gusali at tumalon doon. Sa labis na takot ay hinabol ko pa ang bata upang pigilan.

“Huwag!” Ngunit huli na ang lahat dahil nagawa na nitong lundagin ang mataas na gusaling kinatatayuan namin ngayon at sa isang iglap lang ay napanganga ako nang makita ang batang lumilipad.

Lumilipad? T-teka, totoo ba ‘to? Lumilipad ang bata? Napalingon ako sa kasama kong walang karea-reaksyon ang itsura.

“Wala ka man lang bang sasabihin? Nakita mo iyon, hindi ba? Lumilipad iyong bata!”

Hindi talaga ako makapaniwala sa mga nangyayari. Para kasi akong nagdedeliryo. Tiyak kong pagtatawanan ako ng mga kaibigan ko kapag ikinwento ko sa kanila ang mga nangyayari sa akin ngayon. Sino ba naman kasing maniniwala na maaring lumipad ang isang tao, lalo na at wala naman itong pakpak?

“Ano’ng gusto mong sabihin ko?” seryosong tanong niya.

“Reaksyon,” tugon ko.

“Kaya ko rin namang gawin iyon, kung nanaisin ko,” sagot niya.

Halos malaglag ang panga ko sa sahig. Ako lang ba ang walang kakaibang kakayahan? Tao ba talaga ang mga nakakasalamuha ko? Unti-unti ko nang nararamdaman ang lamig dulot ng basa kong katawan dahil sa malakas na ulan. Niyakap ko ang sarili dahil sa panginginig hanggang sa maramdaman ko ang mga bisig na yumakap sa akin.

Ilang minuto rin akong walang naging reaksyon. Hindi ko rin nagawa pang tumutol sa ginawa niya dahil kahit paano, kahit basa ang kaniyang mga damit ay ramdam ko ang init ng kaniyang katawan.

“Nilalamig ka pa ba?” tanong niya.

“H-hindi na masyado,” itinulak ko siya ng bahagya nang bumalik ako sa aking katinuan.

Bakit nga ba ako nagpayakap sa kaniya? Sa kabilang banda, dahil sa yakap na iyon ay naramdaman kong magiging ligtas ako palagi basta kasama ko siya.

“Tara na. Mabuti pa at iuuwi na kita sa inyo,” sabi nito at saka naglakad patungo da hangganan ng gusali.

“T-teka! Huwag mong sabihing tatalon ka riyan?” tanong ko.

“Oo. Tatalon tayo,” sabi nito at hindi na ako nakapagsalita ng hatakin ako nito patalon mula sa ituktok ng mataas na gusaling iyon.

Halos malagutan ako ng ugat sa lakas ng sigaw ko. Mahigpit na napakapit ako sa kaniyang balikat habang nakayap ang aking mga braso sa kaniyang batok. Ilang segundo na lang ay alam kong babagsak na kami sa sahig at alam kong ikamamatay na namin iyon kaya napapikit na lang ako. Sa loob ng isang minuto ay naramdaman ko na lang ang mainit na sikat ng araw na tumatama sa balat ko. Tumigil na ba ang ulan? Buhay pa ba ako? O baka naman nasa langit na ako?

Dahan-dahan akong nagmulat ng aking mga mata at nakita ang papalubog na araw mula sa itaas. Tinanaw ko ang aking paanang ilang libong talampakan na pala ang taas mula sa lupa. Pansin ko rin ang maitim na ulap mula sa aking ibaba. Lumulutang kami sa ituktok ng mga ulap. Totoo ngang kaya niya ring lumipad.

“Mas ligtas ang rutang ito pauwi sa inyo,” pagputol nito sa mga iniisip ko.

“Salamat,” tanging nasabi ko kasabay ng tuluyang paglubog ng araw.

Nakarating kami ng matiwasay sa isang bahay na pamilyar sa akin ngunit alam kong hindi amin, pero nawa ay parang nanggaling na ako rito. Dito ako uuwi? Ngunit kaninong bahay ito? May kalakihan ito na yari sa bato. Pagpasok sa loob ay nasilayan ko ang makintab na sahig na gawa sa marmol. Ang ilaw na nagbibigay liwanag sa kabuuan ng sala ay halatang mamahalin dahil sa mga diyamanteng nakapalibot dito. Naglalakihan naman ang mga litratong nakasabit sa dingding habang may maliliit namang pigurin na nakapatong sa mga estanteng naroon.

Sinusundan ko lang ang bawat hakbang ng kasama ko hanggang sa huminto siya sa paglalakad sa harap ng isang pinto. Pinihit niya ang seradura at doon pumasok at sumunod lang ako.

“Mabuti pa maligo ka na para hindi ka sipunin at magkasakit,” sabi nito.

“Bahay mo ito? Ang ganda. Ang laki,” nakangiting sabi ko habang inililibot ng tingin ang kabuuan ng silid.

“Bahay natin ito,” diretsong tugon niya na labis ko namang ipinagtaka. Bahay namin? Ano ko siya? Kapatid? Pinsan? Bakit hindi ko matandaang kilala ko siya?

“Paanong naging bahay natin ito?” nagtatakang tanong ko.

Ipinakita niya ang kaliwang kamay niyang may suot na singsing sa palasingsingan. Napalingon din ako sa aking kamay at laking gulat ko nang makita ang singsing katulad ng kaniya sa aking kaliwang palasingsingan.

“Talagang wala ka ngang naaalala tungkol sa akin,” sabi niya.

“Sino ka ba?” tanong ko ngunit hindi ito sumagot bagkus ay inilapag nito ang pares ng pantulog sa kama. “Maligo ka na at magpalit. Lalabas na muna ako.”

Sinundan ko na lamang siya ng tingin hanggang sa tuluyang makalabas ng silid. Talaga bang asawa ko siya? Bakit wala akong naaalala tungkol sa kaniya kahit na kaunti? Bakit hindi ko naaalala na nagpakasal ako?

Nagpasya na akong ayusin ang sarili ko. Nagtungo ako sa banyo at naligo. Matapos iyon ay nagpasya na akong magtungo sa kusina at magluto. Napakatahimik ng bahay. Parang pakiramdam ko tuloy ay may kulang sa bahay na ito. Walang sigla. Kung talagang kami ay mag-asawa wala man lang ba kaming naging anak?

“Teka, ano ba itong naiisip ko? Malay mo naman kakakasal niyo lang.” Para akong nababaliw na kinakausap ang aking sarili habang hinahanap ang kawali sa mga aparador.

“Anong ginagawa mo?” Nagitla naman ako nang marinig ang boses niya sa aking likuran.

“Ay, butiki. Ano ka ba naman? Bigla kang sumusulpot,” tugon ko sa kaniya ngunit hindi siya nililingon.

“Ano nga kasing ginagawa mo rito sa kusina?” tanong niya muli.

“Magluluto sana.” Ngumuso pa ako kapagkuwan ay iniangat ang aking mukha upang mapatingin sa kaniya. Napansin ko naman kaagad ang sugat sa kaniyang balikat. Nakasuot lang kasi siya ng sandong kulay itim. Tamang-tama sa katawan niyang pinagpala yata ng langit at napuno ng kakisigan.

“Ganoon ba? Pero hindi ka naman marunong magluto hindi ba? Masusunog lang ulit ang lulutuin mo. Sayang lang ang pagkain.” Napasimangot naman ako sa kaniyang tinuran. Marunong kaya akong magluto. Pakiramdam ko tuloy ay niloloko ako ng isang ito.

“Kaya kong magluto,”Β masungit na sabi ko.

Hindi na siya kumontra at kinuha na lang ang kawaling nakalagay sa isa sa mga aparador.

Matapos sindihan ang kalan at ilagay ang kawali sa ibabaw ng apoy ay sinimulan ko naman na maggayat ng bawang at sibuyas. Simpleng adobo lang ang naisipan kong lutuin. Sigurado akong magugustuhan niya ito. Nilagyan ko ng mantika ang kawali pagkaraan naman ay inilagay ko na ang bawang at sibuyas at saka iginisa bago tuluyang ilagay ang karne ng baboy. Ilang minuto rin akong naging abala sa pagluluto habang ang lalaking nagsasabing asawa ko ay tila batang nanonood lang sa aking ginagawa habang nakapatong ang dalawang braso sa lamesa at nakasubsob ang baba rito.

Makalipas ang ilan pang minuto…

“Tenen! Luto na ang aking espesyal na adobo,” pagyayabang ko habang nakamewang pang hawak sa kabilang kamay ang mangkok na nilagyan ko ng ulam.

Naghain na ako ng adobo nang maalala kong walang kanin.

“Wala pala akong sinaing. Ano ba naman iyan? Kung kailan naman gutom na ako at eto na lang ang naisip kong kabayaran sa pagliligtas mo sa buhay ko,” sabi ko. Naupo ako pabagsak sa upuang nasa harap ng lamesa dahil sa pagkadismaya. Pakiramdam ko kasi ang tanga-tanga ko sa mga oras na iyon.

“Pwede naman natin itong kainin ng walang kanin,” sabi niya.

“Sigurado ka bang okay na sa iyo iyan?” paniniguro ko.

“Oo naman. Tara na at kumain. Matikman na rin ang luto mo kung talaga bang nagbago matapos kang dukutin ng mga masasamang loob na iyon.”

Sa unang subo pa lang ay nakita ko na ang pagtigil niya sa pagnguya. Para siyang namangha sa sarap ng luto ko at hindi na siya nakapagsalita kung kaya naman sumubo na rin ako ng akin at ganoon na lang ang pagngiwi ko nang malasahan ang pagkain. Seryoso? Ako ba talaga ang nagluto nito? Bakit maalat na tapos maasim pa? Parang paksiw na tuloy at hindi adobo. Parang hindi ko matanggap na ako ang may gawa ng pagkaing ito dahil marunong naman talaga ako magluto at kahit na kailan ay hindi pa ako pumapalpak sa pagluluto ng adobo.

“Huwag mo ng kainin iyan. Bibili na lang ako ng pagkain sa labas.” Hindi ko man masabi sa kaniya ng diretso pero bagsak na bagsak talaga ang kalooban ko dahil inaasahan ko talagang masarap ang magiging resulta no’n.

“Hindi na. Okay na ito. Kakainin ko naman at wala naman akong sinabi na hindi masarap,” sabi niya ngunit hindi ko siya pinansin at kaagad na nagtungo sa pintuan at nagsimulang lumabas ng bahay. Hindi ko alam kung sinundan niya ba ako o ano, pero isa lang ang sigurado ako, nakakahiya talaga ang ginawa ko. Sinabi ko pa namang marunong akong magluto.

Habang naglalakad ay napatigil na lang ako nang maramdaman ang pagyanig ulit ng lupa ngunit hindi naman ito lindol. Isa, dalawa, tatlo. Habang tumatagal ay mas lumalakas at parang mas lumalapit ang pagyanig ng lupa na parang may isang higanteng papalapit sa akin.

Kaya naman ay ganoon na lamang ang aking pagkabigla nang masilayan ang isang dambuhalang halimaw o hayop na may mahabang buntot at matatalas na pangil ang ngayon ay sumisigaw at umaatake sa mga nagtataasang gusali roon. Ang taas ng halimaw ay lampas pa sa mga puno at kung anuma pa mang nakapalibot sa akin. Dahil sa labis na takot at pagkamangha ay tila napako ang aking mga paa sa lupa.

Ngunit ang mga sumunod na mga pangyayari ang labis kong ikinagulat dahil naramdaman ko na lang ang aking mga paang umangat sa sahig at napatingin sa lalaking buhat-buhat ngayon ang aking katawan. Walang iba kung hindi ang aking magiting na kabalyerong hindi nakasakay sa kabayo bagkus walang pakpak ngunit nakakalipadβ€”ang aking asawa, ayon sa kanya.

“Sinabi ko na sa iyong huwag ka nang lumabas ng bahay. Bakit ba kasi ang kulit mo?” iritang sabi niya.

“Masisisi mo ba ako kung pakiramdam ko parang pabigat lang ako sa’yo?” malungkot na sabi ko.

“Kahit na kailan ay hindi ka naging pabigat sa akin. Asawa kita. Isinumpa ko sa harap ng dambana na poprotektahan kita kahit na anong mangyari, sa hirap man o sa ginhawa, kaya sana ganoon ka rin. Huwag ka nang umalis sa tabi ko dahil kapag may nangyari sa iyong masama ay hindi ko talaga kakayanin,” sabi niya na siyang ikinalundag ng puso ko patungong kalawakan. Kulang na lang ay sumigaw ako sa sobrang kilig sa mga katagang sinambit niya. Hindi ko maipaliwanag ang tuwa sa aking dibdib na kahit nasa ganitong sitwasyon kami ay nariyan lang siya at patuloy akong inililigtas sa panganib.

Naramdaman ko na lang ang biglang pagliko ng kilos niya kung kaya napasigaw pa ako dahil dito.

“Kumapit ka ng mabuti at umaatake ang halimaw!”

Minabuti ko namang kumapit nang mahigpit sa kaniyang leeg at hinayaan na lang siyang ilagan ang kada paghampas ng dambuhalang halimaw. Naroon pa nga at nagkaroon ng kaunting galos ang kaniyang pisngi nang madaplisan ito ng kuko ng halimaw na iyon.

“May sugat ka na naman,” puno ng pag-aalalang wika ko.

“Malayo ito sa bituka. Huwag mo na lang itong intindihin,” tugon niya.

Lumipad siya sa direksyon kung saan malayo sa pinupwestuhan ng higanteng halimaw at doon maingat akong ibinaba.

“Dito ka lang. Babalikan kita. Huwag kang aalis kahit na anong mangyari. Magiging ligtas ka rito,” sabi niya at nagulat ako ng biglang umilaw ang kaniyang mga kamay na tila may isang kapangyarihang lumalabas mula rito. Itinapat niya ito kung saan ako nakatayo at tila nagkaroon ng harang na liwanag ang buong paligid ng lugar.

Gustuhin ko mang sumama ay hindi na ako nangulit ngunit saan naman kaya siya pupunta?

Ilang minuto pa ang lumipas ay nagulat na lang ako sa pagbagsak ng kung ano sa aking harapan at dahil sa lakas ng pagbagsak ay napuno ang buong paligid ng mga alikabok at durug-durog na bato. Ganoon na lamang ang pagkagulat ko nang makita ang lalaking sinasabing asawa ko na nakahandusay sa aking harapan. Gula-gulanit ang kasuotan nito at duguan ang katawan dahil sa mga galos at pasa habang may hawak na pambihirang espada.

“Huwag kang… lalapit. Diyan ka lang.”

Akma pa lang sana akong lalapit ngunit tila nabasa niya yata ang aking isipan kung kaya inunahan niya na ako ng sabi. Wala na akong nagawa kung hindi hayaan siyang gawin ang gusto niya.

Dahan-dahan siyang tumatayo habang mababanaag sa kaniyang itsura ang sakit dulot ng mga sugat at pagod sa kung ano mang laban ang kinakaharap niya ngayon. Naramdaman ko na lang ang paglandas ng aking mga luha mula sa aking mga mata nang makita ko siyang damputin ng higanteng halimaw at ihagis pabalik sa sahig. Hinampas pa siya nito at walang awang inapak-apakan hanggang sa tuluyan na siyang hindi makakilos at sa iglap lang ay hindi ko na namalayan ang pag-agos ng luha at pagdaloy ng sakit sa aking dibdib.

Sinalat ko ang aking pisnging basa ng mainit na likidong nagmula sa aking mga mata. Ramdam ko pa rin sa aking dibdib ang sakit dulot ng masamang panaginip. Bumangon ako sa aking higaan at nagtungo sa banyo upang maghilamos at gisingin ang aking diwa.

Panaginip lang ang lahat ngunit parang totoong-totoo. Pakiramdam ko ay kalahati ng buhay ko at puso ko ang nawala dahil lang sa panaginip na iyon.

Matapos ayusin ang sarili ay bumaba na ako at nagtungo sa kusina upang magluto ng agahan.

“Julia, hotdog ang lutuin mo ha?” sabi ng tito ko kung kaya naman iyon na lang ang iniluto ko. Isa pa paborito rin naman naming lahat iyon lalo na sa agahan.

Habang nagluluto ay tila wala ako sa sarili habang tulalang nakatingin sa niluluto ko. Muntik pa itong masunog dahil nga sa mabigat na pakiramdam ko. Iyong pakiramdam na para akong lalagnatin ngunit hindi naman.

Matapos magluto ay inutusan ko na ang pinsan ko na maghain at ganoon nga ang ginawa niya. Habang nasa hapag ay hindi ko alam pero pakiramdam ko wala akong gana. Para akong busog pero hindi naman. Kung pipilitin kong kumain ay tiyak ding hindi ko mauubos ang pagkain kung kaya minabuti ko na lang na huwag ng kumain lalo na nang maalala ko ang sinabi ng lalaking iyon sa panaginip ko.

Sayang lang ang pagkain.

Nagpasya akong magkape na lang at isang pirasong pandesal para kahit paano ay malamnan naman ang aking tiyan.

Lumipas ang ilan pang oras ngunit ganoon pa rin ang aking pakiramdam. Parang gusto kong umiyak ng wala namang dahilan. Para naman akong baliw kung sasabihin kong naiiyak ako dahil namatay ang tagapagtanggol at asawa ko sa panaginip ko. Isipin na lang ng iba na praning na ako pero ewan ko ba, nababaliw na nga yata ako. Para akong masisiraan ng bait kung hindi ko mailalabas ito.

Kinuha ko ang aking kwaderno at kaagad na isinulat ang mga nangyari sa aking panaginip kung sakaling makalimutan ko. Gusto ko kasing maging isa itong magandang alaala sa kabaliwan ko.

Matapos magsulat ay nagtungo na ako sa aking silid. Wala kasi ako sa kondisyon upang makipag-usap sa kahit na sino kung kaya nahiga na lang ako sa kwarto at ipinikit ang aking mga mata. Nagdasal ng taimtim sa Poong Maykapal na sana, kahit sa huling pagkakataon, ay makita ko siyang muli sa aking panaginip.

Pagod na pagod ako sa pagtakbo. Pakiramdam ko ay may humahabol sa akin. Ramdam ko ang bawat pagtibok ng aking puso dahil sa lakas nito na tila malapit ng kumawala sa aking dibdib. Pinunasan ko ang aking pawis bago muling tumungo sa lugar na hindi ko alam, sa kawalan.

“Kailangan kong makaalis sa lugar na ito,” sabi ko sa sarili.

Maya-maya pa ay nakarinig ako ng sirena ng bumbero at hindi ko alam kumbakit dali-dali akong nagtatakbo patungo sa bubong ng tren. Mula doon ay tumakbo nang tumakbo muli, gaya ng mga napapanood ko sa telebisyon, hanggang sa marating ang dulo nito. Pagkatapos nito ay bumaba at pumasok ako sa loob ng isa sa mga pinto.

“Magpapahinga na muna ako,” habol-hiningang sabi ko.

“Ate Julia! Ate Julia!”

Napamulat ako ng mata ng marinig ang boses ng aking pinsan. Tiningnan ko siya bago nagsalita.

“Bakit?”

“Kumain ka na raw muna sabi ni Mommy bago ka matulog,” sabi niya.

“Sabihin mo hindi pa ako gutom,” paliwanang ko. β€œWala akong gana baka hindi ko rin maubos ‘yong pagkain, sayang lang,” Hindi na rin naman siya nangulit bagkus ay bumaba na roon at iniwan na akong muli sa kwarto ng mag-isa.

Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga dahil lang sa bigat ng pakiramdam ko. Akala ko kasi kapag natulog ako ulit mawawala na ang bigat ng pakiramdam ko dahil magkikita kaming muli sa panaginip ngunit bigo ako dahil ni isang salita mula sa kaniya ay wala akong narinig at ang kaniyang mukha ay hindi ko na muling nasilayan pa. Umasa akong sa huling pagkakataon ay makikita ko siyang muli hanggang sa muli akong makaramdam ng antok.

“Julia…”

“B-buhay ka?” Hinawakan ko ang kaniyang magkabilang pisngi kasabay ng mga luhang kaytagal naitago dahil sa labis na pag-aalala.

“Oo naman. Hindi ba ang sabi ko naman sa iyo proprotektahan kita kahit na anong mangyari,” sabi niya.

“Alam mo bang nag-alala ako sa iyo. Akala ko patay ka na dahil sa halimaw na iyon.”

Pinahid niya ang aking mga luha bago muling nagsalita.

“Imortal ako, ano ka ba? Alam mo naman iyon, hindi ba?”

Napakunot ang noo ko sa tinuran niya. Paano siya naging imortal? At sabi niya alam ko? Bakit wala akong maalalang alam ko iyon?

“Oo na. Basta huwag mo na lang ulitin iyong ginawa mo para hindi na ako mag-alala,” sabi ko at pinilit na ngumiti.

“Pangako.” Hanggang sa tuluyan kong naramdaman ang lambot ng kaniyang labi sa mga labi ko bago ako tuluyang magising sa reyalidad na ang panaginip ay mananatiling panaginip. Ang tao roon ay mananatiling buhay at lahat ng imposible ay maaaring maging posible. ☁

This is an entry to Fictory, Bookbed‘s Fic Fest, in which participants write a fic based on a prompt. Three winners and the Crowd Favorite (by hits and shares) will receive prizes. If you enjoyed this story, share it or leave a comment below. Remember to add #BookbedFictory!
Advertisement

18 responses to “#BookbedFictory 007: ‘Makita Kang Muli’”

  1. Hey, Mars!
    Ang galing ng pagkagawa mo. Una, may aksyon. Tapos, may fantasy at may rom-com pa! Sa huli’y panaginip lang pala… Ang galing! Keep it up, Mars! Congrats! πŸ˜‰

    Jela πŸ™‚

    Like

  2. A very interesting story, Tin! Superlike πŸ™‚

    Like

  3. Carolina Tanyag Avatar

    Wala ako masabi tumbs up! Nakaka aliw un storya mu… Tuloy mu lang yan i am ur no. 1 fan….

    Like

  4. ,ang galing ,,parang hawig siya sa panaginip ko pero walang fantasy na nagap like lumilipad ,tatalon ng mataas ,,kaya akala ko talaga totoo,,sana tagala yung mga magagandang panaginip natin nagkakatotoo,,anyway ang ganda po ng kwento ,,ipagpatuloy mo pa po yan ,,congrats!

    Like

  5. Christine Garcia Avatar
    Christine Garcia

    Maganda yung story detalyadong detalyado. Tapos yung genre niya ok kasi pinag halo halong fantasy, action and romance. Thumbs up for you po 😊
    Keep up the good work 😊

    Like

  6. Kerubin Navarro Avatar

    Super ganda po *0* ang galing po ng pagkakabuo niyo sa story. Habang binabasa ko po feel ko ako po si Julia. minsan din po kasi nagkakaroon din po ako ng ganyang panaginip. Nagustuhan ko din po yung pagkakaroon ng genre na fantasy and action. Ang galing niyo po talaga 😊

    Like

  7. TWo thumbs up! πŸ˜‰

    Like

  8. Omo😱 ang ganda po. Speeches ako. Huhuhu sana maging katulad nyo din akoπŸ˜‚

    Like

  9. Twinkle Ann P. Aclao Avatar
    Twinkle Ann P. Aclao

    OMO ! Ate Tine ganda ng Story nato , How to be you po? Gusto ko din makapadsulat ng magandang Story hihihi. πŸ™‚
    Good Job ate Tine πŸ˜‰
    Lab2x ❀

    Like

  10. Marlie B. Mahinay Avatar
    Marlie B. Mahinay

    kong anong nasa panaginip ay kabaliktaran ng realidad. Not just sometimes but most of time. Thumbs up bebe tiny πŸ‘ napaisip tuloy ako. ‘Oo nga nu, minsan ang lahat ng bagay ginagawa at nagagawa natin ay kong anong tinatakbo ng bawat isipan natin. Pwede bang maging totoo ang isang imahinasyon? O mananatili nalang ang isang bagay oras na ipikit natin ang ating mata. But in reality hindi ka aabot sa happy ending kong hindi mo mararanasan ang bawat lubak na daan
    Great job bebe tiny. Reality vs. Expectations or Fantasy vs. Your reality aww you made me think something about this one.

    Like

  11. Kudos. Nung una akala ko mystery/triller sya. Habang binabasa ko, nung lumipad sya, anime talaga naisip ko. Tapos biglang naging fantasy na may pagkasupernatural. Basta matututunan mo dito is, lahat ng iniimagine mo lang noon, pwedeng magkatotoo. Basta believe in yourself. Mararating mo ang gusto mo marating. Makakamit mo ang mga bagay ma gusto mo makamit. Imahinasyon mo lang noon, pwede mong gawing totoo soon. Just pray to God and believe to yourself. Pero tandaan mo na bago mo marating yun. Marami ka munang pagsubok na maiincounter. Daanan mo lang. Wag tambayan. Ika nga nila. Kahit anong lubak o problema ang madaan mo alam mong makakarating ka din sa paroroonan mo.

    Like

  12. Krizzea Mikaela Avatar

    Waaaah! Ang galing, ang ganda po ng flow ng story. Lalo na’t fan po ako ng fantasy. Congrats po ate!

    Like

  13. Queenie Mari Alejandro Avatar
    Queenie Mari Alejandro

    Ang ganda po ng flow ng story. Ipagpatuloy nyo pa po pagsusulat. Keep it up!πŸ˜†

    Like

  14. Kudos. Nung una akala ko mystery/triller sya. Habang binabasa ko, nung lumipad sya, anime talaga naisip ko. Tapos biglang naging fantasy na may pagkasupernatural. Basta matututunan mo dito is, lahat ng iniimagine mo lang noon, pwedeng magkatotoo. Basta believe in yourself. Mararating mo ang gusto mo marating. Makakamit mo ang mga bagay ma gusto mo makamit. Imahinasyon mo lang noon, pwede mong gawing totoo soon. Just pray to God and believe to yourself. Pero tandaan mo na bago mo marating yun. Marami ka munang pagsubok na maiincounter. Daanan mo lang. Wag tambayan. Ika nga nila. Kahit anong lubak o problema ang madaan mo alam mong makakarating ka din sa paroroonan mo

    Like

  15. Great job! Great writer!

    Like

  16. Unexpected twist. Wow! Husay as always sis Tine β™₯ Keep up the good work!

    Like

  17. Nice Sis Tin. Ang lalim ng pagkakatagalog mo. Maganda ang paglalarawan mo sa bawat eksena. ‘Bang klase. Sana manalo itong entry mo. Congratulations Sis Tin.

    Like

  18. Bunsong Raze Wp Avatar

    Wuah ang galing, parang natamaan ako don ah … Yieh lodi ang galing mo papaturo ako sayo mamaya

    Like

Anything to share? :)

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: