ni Winter Aragon

Prompt: You receive an email at midnight of a picture of you asleep on your bed… from right outside your window. You live on the 13th floor of a newly built condominium.

Sa mundong ating kinagagalawan may mga misteryong nais natin alamin pero may ibang mas nanainisin na lang manatiling isang katanungan.

Walang sagot. Walang pagkakakilanlan.

~Unang Araw~

“Sigurado ka na ba sa desisyon mo na ‘yan, Danita?”

“Oo naman, Kuya Danny,” walang kabig kong sagot bago sumalampak sa pinakamalambot na kamang nahigaan ko.

“Ay, naku, Danita, maghunus-dili ka nga!” narinig kong wika ni Ate Hanna, ang asawa ng kapatid ko. “Ano bang pumasok sa kokote mo at bumukod ka sa amin?”

Ngumiti ako habang hawak ko ang cellphone at napapikit. “Bagong buhay, Ate,” tipid kong mutawi. Bagong simula para sa kalayaang matagal kong minimithi.

“‘Wag mo akong madadaan sa bagong buhay at kung anu-anong dahilan dahil may trabaho ka na. Umayos ka nga!”

Natawa ako imbis na mainis kay Ate Hanna. Naiisip ko ang kunot ng noo niya at mahabang nguso niya lalo na kapag ganitong naiinis na siya. Bigla ko tuloy gusto silang makita ni Kuya at ang ubod ng kyut kong pamangkin na si Niko kahit na kagabi lang ako nag-alsa balutan at umalis ng bahay nila.

“Ate, hayaan nyo na ako sa desisyon ko.” Iminulat ko ang mga mata at napatitig sa kisame. “Nabili ko na ang condo unit at wala nang bawian.”

“Ano? Danny, pagsabihan mo nga talaga itong si Danita!”

Pinipigilan kong tumawa lalo pa nang nagsalita ang Kuya ko.

“‘Wag mong mamasamain ang pag-aalala ng Ate mo.” Napabuntong-hininga si Kuya sa kabilang linya. Nakataas na ang puting bandila at may nanalo na. “Wala na akong magagawa kung nabili mo na ‘yan at pinal na ang desisyon mo.” Hallelujah, Kuya! “Ang sa akin lang, mag-iingat kang mabuti diyan. Hayaan mo at bibisitahin ka namin isang araw.”

“Aasahan ko’ yan, Kuya. Salamat at naintindihan mo ako.”

“Sige na at magpahinga ka na.” At nagpaalam na ang nag-iisa kong kapatid na parati kong kakampi.

Pinaikot ko ang mga mata ko sa buong unit. Akin ka! May kilig sa puso ko na may sarili na akong titirhan. Hindi naman ako pinapalayas nila Kuya sa maliit nilang bahay pero gusto ko talagang tumayo na sa sarili kong mga paa. Simula ng mga bata kami ay pakiramdam ko ay pabigat ako kay Kuya Danny. Siya ang nag-aalaga sa akin, tagapagtanggol ko sa mga nang-aaway at taga-salo sa tuwing may problema ako. Kaya nga kahit na ikinasal sila ni Ate Hanna at nagkaroon na siya ng sariling pamilya, kasama pa rin ako. Minsan nakakasakal na may taong parating nariyan para sa iyo.

Ang unang hakbang na naisip ko para kumawala ay magkaroon ng condo unit. Kolehiyala pa lang ako ay nainggit na ako sa mga kaklase kong nasa dormitoryo at boarding houses. Kaya nangako na bubukod ako kina Kuya kapag nakakuha na ako ng trabaho. Alam ko naman na hindi magkakatotoo ang inaasam ko na condo unit kung ‘di na rin sa tulong ng mga magulang ko.

OFW sina Mami at Dada sa Great Britain. Kayod-kalabaw sila hanggang sa makatapos kami ni Kuya. Nang grumadweyt nga kami ay nakahinga na sila ng maluwag at mas pinili ang tumira sa ibang bansa. Paminsan-minsan umuuwi sila para magbakasyon dito sa Pilipinas. Ang pinakahuling balik nila sa bansa ay noong nagtapos ako at bilang regalo sa pagiging summa cum laude ko ay ibibigay nila ang anuman nais ko. Hindi ako nagdalawang-isip na hilingin ang condo unit na ito.

Noong una ay ayaw akong payagan ni Dada kasi raw mag-isa ako. Natatakot siya lalo pa’t babae ako at dahil sa maraming nangyayari sa bansa pero laking pasasalamat ko noong nakumbinsi namin siya ni Mami. Ipinaliwanag ko na kailangan ko nang bumukod kina Kuya at mas malapit ang bagong katatayong gusali sa pinapasukan ko.

The 13th Condominium ang pangalan ng condo na ngayo’y tinitirahan ko. Kumuha agad ako ng unit nang nakita ko iyong nakapaskil nilang binebentang mga kwarto noong ginagawa palang itong gusali. Tinatakot nga ako ng mga kasamahan ko sa opisina na malas raw ang condominium dahil sa pangalan nito. Hindi naman talaga siya hanggang labing tatlong palapag kaso mayroon talagang 13th floor na isa sa iilan sa buong Maynila.

At sa ikalabing tatlong kwarto sa ikalabing tatlong palapag matatagpuan ang unit ko.

~Ikalawang Araw~

Wow! Totoo ngang may 13th floor!” Manghang-manghang wika ni Salie na panay ang selfie mula elevator hanggang sa makarating kami sa tapat ng pinto ng unit ko.

Ang nag-iisang office mate ko na sumama sa akin na kumuha rin ng kwarto sa gusaling ito, si Salie ay ang unang tao na nakilala ko sa opisina. Parehas kaming Marketing graduate at kahit na isang taon lang ang agwat namin, hindi niya ipinakita na mas magaling siya kaysa akin. Tumayo siyang parang ate ko kahit na ilang araw palang ako bilang trainee sa opisina. Ipinakilala niya ako sa mga kasama namin sa departamento namin na posibleng papalit sa kanya. Nakakataba sa puso na marinig ang papuri kaya ginagawa ko iyong inspirasyon na galingan sa trabaho.

Natuwa ako ng pumayag si Salie na kumuha ng condo unit at ibinalita niya kaagad sa nobyo niyang nakatira sa Canada. Sa ikalabing-isang palapag matatagpuan ang unit niya kasi naniniwala pa rin siya sa pamahiin na malas ang numerong labintatlo.

“Ano ka ba! Nakakahiya, makita ka ng mga kapitbahay ko!” Bulyaw kong pabiro habang binubuksan ang pintuan.

“Alam mo, sobrang tahimik dito sa floor ninyo na parang walang tao.”

At sabay kaming napalingon sa mahabang koridor. Tunay ngang walang ingay na maririnig hindi katulad sa ibang palapag na may nagsisigawan at nagtatawanan. Nakakatindig-balahibo ang katahimikang namamayani sa 13th floor.

“Anong tawag mo sa atin?” biro ko para mawala ang tensyon. Napangisi si Salie bago naglakad papalayo sa akin.

“Saan ka pupunta?” tanong ko sa kanya habang sinususian ko pa rin ang pintuang ayaw magbukas. Ano kayang problema nito?

“Manood ka!” At hindi ko na napigilan ang kaibigan ko sa kalokohan niya.

“Tao po…” Kumatok si Salie sa pintong katabi ko at eksakto naman na napihit ko na rin sa wakas ang seradura.

“Hoy! Ano ka ba!” Umuwang nang kaunti ang pintuan sa tabing kwarto kaya naman dali-dali kong hinila siya papasok sa unit ko.

Humahagikgik si Salie at napailing na lang ako sa kanya. “Ang KJ mo!”

Narinig ko ang pagbagsak ng pintuan sa kabilang kwarto habang nakatingin sa kaibigan kong parang timang na nag-iinspeksyon sa mga gamit ko.

~Ikatlong Araw~

Humilata ako sa kama. Walang ligu-ligo ni palit ng uniporme. Alas-onse na ako dumating sa condo at papungas-pungas na ako ng mga mata ko.

Pinaandar ko na iyong aircon at napapikit ng tuluyan nang tumama ang ulo ko sa unan.

Tok… Tok… Tok…

Naalimpungatan ako sa tunog na mula sa labas ng unit.

May kumakatok ba? Napasulyap ako sa orasan sa may pader, ala-una pa lang ng madaling-araw.

May tumatakbo sa may koridor. Ano kayang mayroon? Hindi kaya may sunog?

Nagising bigla ang inaantok ko pang diwa at dali-dali kong binuksan ang pintuan at sumilip.

Wala namang mga tao. Nakahinga ako nang maluwag. Ilang hakbang lang naman ang elevator sa kwarto ko kaya naman kung may problema ay madali lang ako makakatakbo.

Sinara ko na iyong pintuan at nagdesisyon na akong magpalit ng pantulog. Kasusuot ko lang ng nightgown ng may narinig akong umuungol na nakapukaw ng atensyon ko.

Pinakinggan ko ang buong paligid. Maliban sa aircon at sa mabilis na pintig ng puso ko ay wala na akong narinig na anumang ingay.

Danita, itulog mo na lang ‘yan, huwag mong takutin ang sarili mo.

At muli akong bumalik sa pagtulog.

~Ikaapat na Araw~

 Malayo pa ang nagbabadyang delubyo pero nagpaparamdam na ito.

Malalakas ang patak ng ulan at tila tatangayin ako ng hangin anuman oras. Ayon sa huling ulat ng PAG-ASA ay sa makalawa pa ang hagupit ng super typhoon Mercedes ngunit hinihila na nito ang habagat na nagpapaulan sa buong Maynila simula pa kaninang umaga.

Abot-tuhod na ang baha sa baba ng opisina noong sumapit na ang uwian namin.

“Salie, uuwi na ba tayo?” Parehas na sa Marketing at Sales department kami ng kaibigan ko itinalaga pero magkahiwalay ang cubicle namin.

Napailing siya sa akin. “Dito na ako matutulog. Ang sakit talaga ng ulo ko. Samahan mo na kaya ako.” Puyat kami dahil sa sales report na tinapos namin kagabi bago kami umalis ng opisina.

“Hayaan mo sa susunod, sasamahan kita. Gusto ko talagang matulog sa kama.” May ‘first night effect’ kasi ako. Hindi ako madaling makatulog lalo pa kapag nasa ibang lugar ako. Kaya madalang ako sumama sa overnight lalo na sa mga late-night party.

“Sige…” Itinaas ni Salie ang kamay niya, tandang suko na siya sa antok. “Tawagan mo ako kapag dumating ka na sa unit mo.”

“Aye, Kapitan!” Sumaludo muna ako sa kanya bago naglakad papaalis ng opisina.

* * *

Basang-basa ako nang dumating sa kwarto dahil napilitan akong lumusong sa baha. Muntik-muntikan pang masira ang payong ko pero mabuti na lang at ‘di ako sinukuan. Pinunasan ko ang buong katawan ko at nagpatuyo muna ako ng katawan bago naligo.

May natanggap akong paalala mula sa Meralco na baka magkaroon ng blackout. Dali-dali kong sinaksak ang mga cellphone at laptop ko upang ma-charge. Sunud-sunod ang pasok ng mga mensahe. Hindi ko sana papansin kung hindi lang nakita ko ang pop-up message ni Mami.

Mi: Hija, balita ko may bagyo diyan. Kamusta ka?

Danita: Ayos lang ho ako. Kadarating ko lang sa unit.

Mi: Mabuti naman. Magpahinga ka muna sandali at video chat tayo. Gusto ka naming makita ng Dadi mo. Miss you, Dan.

Danita: Charge ko lang ang laptop ko, Mi. Baka magkaroon ng blackout.

Sinara ko muna ang mga pop-up messages bago nagpatuyo ng buhok. Nagngingitngit sa galit ang ulan at hangin sa labas. Nasilip ko ang sama ng panahon dahil sa nag-iisang malaking salamin na bintana ko sa kwarto. Nilagyan ko ng kurtina ang bintana kasi madalas ay nagigising ako sa sikat ng araw.

Kakausapin ko lang sandali ang mga magulang ko para hindi sila mag-alala sa akin. Umupo na ako sa may sahig at pinindot ko na iyong mouse nang biglang nawalan ng kuryente.

“Ayy!” Napatili ako kasabay ng malakas na kulog. Tumayo ako at kahit dalawampung porsiyento lang ang charge ng cellphone ko ay ginamit ko iyon para mahanap ang flashlight.

Saan ko nga ba nilagay? Pagkailangan mo talaga ang mga bagay, doon pa sila hindi makita.

Natagpuan ko ang flashlight na nakapatong sa unan ko. Napangunot-noo ako kasi sa huli kong pagkakatanda ay sa lamesang katabi ng kama ko ito pinatong. Maagap kong kinuha ang flashlight. Binuksan ko iyon at tinapat sa screen ng laptop na nakabukas pa rin.

Bumalik ako sa pagkakaupo sa harap ng laptop. Nagtipa ako ng mga mensahe para kina Mami at Dadi dahil baka bumalik rin kaagad ang kuryente. Ibaba ko na sana ang icon para sa Messenger ng may napansin ako sa screen.

Sa likod ko ay…

May nakaupo…

May nakaupo sa kama at nanlilisik ang mga mata niyang nakatitig siya sa akin!

Hindi na ako nag-atubili pa at maagap akong tumayo. Tatakbo na sana nang may malamig na kamay na humawak sa dalawang paa ko.

“Bitawan mo ako!” Hindi ako makalingon sa likuran ko dahil hindi ko na maigalaw ang buong katawan ko.

Bumilis ang tibok ng puso ko ng may humalakhak sa kanang tainga ko.

“Isa, dalawa, tatlo… Saan ka tatakbo at magtatago, Danita?”

“Tulong! Tulungan nyo ako!” Sigaw ko na sinabayan nang malalakas na kidlat sa labas.

“Pakawalan mo ako kung sino ka man!” Pilit ko pa ring ginagalaw ang mga paa ko pero tila nakadikit sila sa sahig.

May bumulong sa tainga ko. “Kung ‘yan ang nais mo. Pagbibigyan kita…”

Sa isang iglap ay naihakbang ko ang kaliwang paa ko ngunit huli na ng mapansin ko ang kurdon at natumba ako kasabay nang pagbagsak ng laptop ko.

~Ikalimang Araw~

Natapos na ang unos ngunit ang naiwang pinsala ay kailangan harapin.

Kring… Kring…

Iminulat ko ang kanang mata ko. Maliwanag na ang buong kwarto. Umaga na at may kuryente na rin sa wakas. Hindi ko namalayan na nakatulog ako sa lapag.

Maliban sa pagkawala ng ilaw, wala na akong natandaang sumunod na mga nangyari maliban sa sakit ng ulo ko. Parang nahahati ito sa dalawa.

Nakita kong fully charged na ang laptop at sunud-sunod ang mga mensaheng pumapasok sa social media accounts ko. Binasa ko muna ang lahat ng mga mensahe. Mamaya ko na lang sasagutin dahil masakit talaga ang ulo ko. Binuksan ko ang inbox ko. May isang bagong mensahe pero wala naman nakasulat na pinanggalingan. Hindi ko sana bubuksan dahil baka spam message lang pero napukaw ako sa subject.

Danita…

Napakunot ang noo ko habang hinihintay kong matapos ang loading ng mensahe.

Blangko ang laman ng email maliban sa attached photo. Nanlaki ang mga mata ko sa tumambad sa akin.

Ako ang nasa litrato!

Nakahiga ako sa kama at nakaharap ang katawan ko sa may malaking bintana!

Tumaas lahat ng balahibo sa katawan ko.

Kailan ito kinuha? Imposibleng kagabi dahil nagising ako kanina sa may lapag.

Hindi kaya nahulog ako sa kama? Kung nalaglag man ako, sigurado akong magigising ako at babalik sa kama. Wala akong maalalang may ganoon akong ginawa.

Isa pang nakapagtataka, ang kumuha ng litrato ay nakapuwesto sa may bintana. Paano magiging posible iyon kung wala naman akong balkonahe? 

Paano siya nakaakyat? May nakapasok ba sa condo? Mabilis akong tumakbo sa pintuan at nakasara naman ang seradura.

Hindi kaya may nakatagong kamera dito sa kwarto? Hinanap ko sa bawat sulok ng pader maski sa likod ng telebisyon at tokador ngunit wala akong nakita.

Halos mapatalon ako sa sunud-sunod na pagtunog ng cellphone ko na fully charged na rin. Nanginig ang kamay kong sinagot ang tawag habang nakatitig pa rin sa screen ng laptop.

“Danita! Buti naman sinagot mo na ang tawag ko!”

“Salie?” Tila hindi ko marinig ang sarili kong boses.

“Kanina pa kita tinatawag pero hindi mo man lang ako nilingon o pinansin.”

Nagtaka ako sa sinabi ng kaibigan ko. “Tinatawag? Ngayon ko lang sinagot ang mobile ko.”

“Bumalik ka na ba sa cubicle mo?”

Tuluyang napakunot ang noo ko. “Ha? Nasa condo pa ako. Hindi pa ako pumapasok.”

“Pinuntahan kita sa desk mo, wala ka naman. Nasaan ka ba?” Humahangos ang boses ni Salie sa kabilang linya at doon lang rumihestro sa akin ang lahat ng kinukwento niya.

Nakita ako ni Salie sa opisina! Paano nangyari iyon?

~Ikaanim na Araw~ 

Tila may sumusunod sa akin.

Naglalakad ako papunta sa may emergency stairs. Sira ang elevator kaya wala akong magagawa kundi ang lumakad pababa. Kung minamalas ka nga naman at nasa ikalabing tatlong palapag ka pa manggaling.

Alas-siyete na ng umaga pero madilim ang awra ng gusali dahil sa nagbabanta na naman sama ng panahon.

Nagdesisyon akong ‘di muna pumasok kahapon sa trabaho dahil hindi ako matahimik sa email na natanggap ko. Nagpadala ako ng email sa Boss ko at sinabihan ko na rin sa text si Salie na biglang sumama ang pakiramdam ko. Wala akong natanggap na sagot sa kanila dahil marahil ay abala sila sa opisina. Hindi ko muna ipinaalam sa kaibigan ko ang litrato sa email lalo pa’t maging ako ay naguguluhan sa sinasabi niyang nakita niya ako sa opisina.

May yabag akong naririnig pagkarating ko sa ika-siyam na palapag. Bahagya akong huminto at kumapit sa may hawakan ng hagdanan. Kunwari ay nagsintas ako ng sapatos pero sa totoo lang ay hinihintay kong bumaba ang ‘kasunod’ ko. Itinaas ko ang mukha ko at naglakas loob ng tumingin sa nadaanan ko nang hagdanan sa itaas.

Wala naman akong kasunod. Walang ako taong nasisilayan.

Danita, gumagana na naman ang imahinasyon mo.

Napailing ako at nagpatuloy ako sa pagbaba ng hagdanan. Tagaktak ang pawis ko pagkarating sa may lobby area kaya naman umupo muna ako sa sofa.

“Sir, hindi nga ho pwedeng paakyatin kayo ng walang permiso mula sa may-ari ng unit.” Hindi ko sana papansinin ang nasa reception nang nagsalita ang kausap ng guwardiya.

“Kapatid ko iyong nasa room 1313.”

Sandali, numero ng kwarto ko iyon!

Nakita ko ang likod ni Kuya Danny. Anong ginagawa rito ng kapatid ko? Pupuntahan ko na sana siya pero tila nanghina ang katawan ko.

“Tawagan nyo ho, Sir, ang kapatid ninyo para sunduin kayo.”

Napakamot ng ulo si Kuya sa inis. “Ang problema nga ‘di siya sumasagot sa mga tawag at text ko.”

Sinalat ko ang loob ng bag ko, walang cellphone. Kung minamalas nga naman… nakalimutan ko pa yata sa unit. Pero parang wala naman text messages o tawag akong natanggap mula kay Kuya Danny. May sira kaya ang telepono ko?

Sumakit bigla ang ulo ko at umikot ang paningin ko. “Kuya…” tinawag ko ang kapatid ko bago tuluyang dumilim ang lahat.

~Ikapitong Araw~

Sunud-sunod na katok ang gumising sa natutulog kong diwa. Anong oras na ba?

Madilim ang buong unit dahil nakatakip ang kurtina sa malaking bintana. Napasulyap ako sa orasan sa pader. Alas-tres? Hapon o madaling-araw?

“Danita!”

Si Kuya Danny! Nakapag-usap ba kami kahapon? Parang wala akong maalala.

“Hindi ba pwedeng wasakin na lang natin ang pinto?”

Bakit sisirain nila ang pintuan ko? Mabigat man ang katawan ko ay tumayo na ako at akmang hahawakan ko na ang seradura nang bumukas ito.

Bahagya akong napaatras sa pinto ng banyo at nakasisilaw na liwanag ang pumasok sa loob ng unit ko.

“Anong amoy iyon?” Naubo si Salie bago tinakpan ang ilong niya. Sumunod siya kina Kuya Danny at sa gwardiya na pumasok sa condo ko.

May umalingasaw ngang nakakasulaksok na amoy. Inamoy ko ang sarili ko, mabango naman ako ha.

“Kuya? Salie? Bakit kayo narito?”

Pinindot ng guwardiya ang light switch pero hindi ito nagbukas. Anong nangyari? Hindi naman ako nahuhuling magbayad lalo na sa mga kailangan bayaran. 

Naglakad sila at dahil siguro sa sobrang dilim ay ‘di nila ako napansin na nakatayo malapit lang sa kanila.

“Danita?” Huminto ang kapatid ko na ilang hakbang lang ang layo sa akin.

Sa wakas, napansin rin niya ako! “Kuya Danny!” Akmang yayakapin ko na ang kapatid ko pero nilagpasan niya lamang ako.

Dumiretso siya sa may kama at sinundan ko ng tingin.

“Danita! Danita!”

May nakahiga sa kama pero imposibleng ako. Nandito ako sa likuran nila. Sumilip ako at para akong binuhusan ng malamig na tubig.

Nakahiga ako sa ibabaw ng kama. May kurdon ang leeg ko, nakamulat ang dalawang mata ko at nakauwang ang bibig ko.

Lalo akong nagimbal nang may itim na usok na lumabas sa ilong ko!

“Patay ka na.”

* * *

“Sino ka?” Nanginginig kong tanong habang nakatitig sa humahagulgol kong kapatid at umiiling-iling na kaibigan. 

“Kaluluwang katulad mo.” Tila mula sa ilalim ng lupa ang boses na nagmumula sa itim na usok. Wala siyang pisikal na anyo kaya hindi ko alam kung anong hitsura niya. Wala rin akong ideya kung babae ba o lalaki siya.

“Hindi pa ako patay!” bulyaw ko sa kanya.

“Hangal! Isa kang hangal!” Isang malutong na halakhak ang pumuno sa kwarto bago padabog na nagsara ang pintuan sa banyo.

~Ikawalong Araw~

Ang katotohanan ay minsang mahirap tanggapin kahit na nasa harap mo na ang ebidensiya.

“Paano ako namatay?” May dilaw na tape ang pintuan ng kwarto ko, kinaumagahan.

Nakatulala ako kagabi nang inilabas nila ang katawan kong may balot na ng kumot. Para lang akong mahimbing na natutulog. Wala na ang kurdon sa leeg ko at nakasara na ang mga mata ko. Umiiyak pa rin sina Kuya at Salie habang naglalakad papunta sa elevator.

Gusto kong sundan kung saan nila dadalhin ang katawan ko pero tila may harang na pumipigil sa akin. Bumalik na lang ako sa harap ng condo unit ko at baka sakaling may kasagutan akong makuha.

“Psst!”

Hindi ko sana papansinin ang sumitsit sa akin dahil wala naman akong makitang tao sa buong palapag pero makulit siya.

“Psst… Psst… Psst!”

Hinanap ko kung saan iyon nanggaling, at umuwang ang pintuan ng katabing kwarto ko. Sa una ay hindi ko napansin ang usok na lumabas sa unit pero ‘di naglaon ay nabuo ang isang pigura.

Ngumiti sa akin ang isang lalaki. Wala siyang suot maliban sa trunks. Sino ba ito?

“Ako ang nag-iisa mong kapitbahay.” Sumaludo siya sa akin at sa isang iglap ay nasa harap ko na siya. “Vance nga pala,” pagpapakilala niya.

Hindi ko siya matignan nang diretso kaya tinanggap ko na lang ang inilahad niyang kamay.

“Nasusuya ka ba dahil wala akong saplot?” Sasagot sana ako ng oo pero nawala na siya sa paningin ko at padabog na nagsara ang pinto ng unit niya.

Bumalik ang atensyon ko sa condo ko. Paano ako papasok?

“Multo ka na. Awoo…”

Mabilis kong iginala ang mga mata ko. Nakahinga ako nang maluwag dahil walang tao maliban sa amin ng mokong na ito.

“Huwag kang mag-alala, walang makakarinig sa atin.” Kinindatan ako ni Vance na may suot nang pantalon at manipis na shirt. Naalala ko tuloy si Kuya Danny sa kanya.

“Mahirap talagang tanggapin ang kamatayan lalo na kung maaga at hindi man lang tayo nakapagpaalam sa pamilya natin.”

May ESP ba ang lalaking ito at nababasa niya ang nasa utak ko?

Bumuntung-hinga ako. “Ikaw at ako…”

“Patay na. Tigok. Kaluluwa na. Multo.”

Hindi pa rin ako makapaniwala na wala na akong buhay. Madami pa akong nais abutin lalo pa’t kauumpisa ko palang kumawala sa poder ng kapatid ko at sa pangarap kong trabaho.

“Paano ako namatay?” Nanlumo akong napaupo sa sahig.

“Gusto mong malaman?”

Napaangat ako ng mukha at tumango kay Vance na nakatayo sa tabi ko.

“Pasok tayo sa loob ng condo mo at mag-imbestiga.”

“Ha? May tape at nakasara ang pintuan, paano tayo papasok?”

Dinaanan ng katawan niya ang dilaw na tape. “Ano pang ginagawa mo diyan? Tara!” At tuluyan na siyang pumasok sa unit ko.

~Ikasiyam na Araw~

Sa pagitan ng alas-dose hanggang alas-tres raw ng umaga ay malakas ang kapangyarihan ng mga sumakabilang-buhay. Pagala-gala lang sila habang nahihimbing ang mga buhay.

Totoo ngang patay na ako. Nakadaan ako nang matiwasay sa saradong pintuan na hindi ko man lang binuksan.

Wala nagbago sa hitsura ng kwarto ko. Ang laptop at cellphone ko ay naiwan sa puwestong huli kong nilagyan. Tanging ako lang ang nawala.

Si Vance ay nakatayo sa salaming bintana. Itinali nila Kuya ang kurtina kaya pumapasok ang liwanag ng malaking buwan sa loob ng unit.

“Malungkot lang?” Biro ko habang iginagala ko ang mga mata ko sa condo.

Napailing si Vance at seryosong lumingon sa akin. “Nagpakamatay ka rin ba?”

Natigalgal ako sa tanong niya. “Sa pagkakatanda ko ay hindi.” Isinalaysay ko sa kanya ang hitsura ng katawan ko ng makita nila Kuya Danny.

“May pumatay sa iyo at kinuhanan ka pa ng litrato?”

Napailing ako kay Vance. “Sa palagay ko ay kinuhanan muna ako ng litrato bago ako pinatay.”

Sino naman ang gumawa sa akin ng karumal-dumal na pagpatay?

“Baba tayo,” wika niya sabay tayo.

“Saan tayo pupunta?”

“Sa posibleng makakasagot sa tanong mo.”

At nawala siyang muli mula sa harap ko.

* * *

May mga nakadungaw sa bintana. Lima sila at mukhang isang pamilya. Dapat tumataas na ang balahibo ko pero dahil isa na akong kaluluwa, wala na akong nararamdaman na takot pero kung buhay ako ay tumili na siguro ako. Sunog ang mukha nila at blangko ang mga mata nilang nagmamatyag sa amin.

“Sino sila?” bulong ko kay Vance.

“Mga ligaw na kaluluwa at hindi sila tagarito sa condominium.”

Kumbinsido na ako na patay na ako pero ang mga impormasyon tungkol sa ‘buhay’ ng mga sumakabilang-buhay ay unti-unti palang rumirehistro sa akin.

“Bakit tayo narito sa CCTV room?”

Sa bawat palapag ay may CCTV camera, nakikita rito ang bawat tao at galaw sa koridor.

Itinuro ni Vance ang screen na kung saan may ikalabing tatlong palapag. Patay-sindi ang mga ilaw pero may itim na usok na nakukuha ang kamera.

Nakikita kong nahahati ang katawan ko habang dumadaan ang guwardiya. Nanginig ang manong nang umupo siya sa silya. Buti nga sa iyo!

“Hoy, anong gagawin mo sa kanya?” Susugurin ko sana iyong gwardiya pero hinarangan ako ni Vance.

Tinaas niya ang kanang kamay niya, sinenyasan niya ako na tumingin na mata sa mata. Lumapit siya sa guwardiya na nagsuot na ng jacket niya at may binulong.

Pinindot nang tuluy-tuloy ni Manong ang button sa screen. Huminto siya sa isang recorded video.

Hulyo 23, alas-siyete ng gabi

Limang araw na ang nakakaraan.

Ilang araw na pala akong patay bago nakita nila Kuya at Salie ang katawan ko. Nakaramdam ako ng awa sa sarili ko.

“Walang maitutulong ‘yan sa paghahanap mo ng sagot.”

Sa maikling salita, bawal ka magdrama, Danita. Sumimangot ako kay Vance. Bakit ba kasi niya binabasa ang nasa utak ko? Pakialamerong lalaki!

Ngumisi siya sa akin sabay nguso sa screen. Sumulpot ako sa kuha ng CCTV camera. Basang-basa ang hitsura ko at nagmamadaling nagbukas ng pintuan ng unit.

Ang huling kuha ng kamera ay ang pagpasok ko sa condo pero ‘di ako nag-iisa. May aninong nakasunod sa akin.

~Ikasampung Araw~

“Sino nga ‘yun?” Kagabi ko pa kinukulit si Vance na sagutin ang tanong ko.

Kasalukuyang kaming nasa loob ng dati niyang unit. Wala nang gamit sa loob.

“Ang taga-sundo…” Napagod na marahil siya sa pagtatanong ko kaya lumabas na rin sa bibig niya ang gusto kong malaman.

“Kaya ba siya sumunod sa akin dahil sinusundo na niya ako?”

“Posible,” tipid niyang sagot.

Napahawak ako sa beywang ko at inis na napatingin kay Vance.

“Ang KJ mo! Bakit ba hindi mo na lang sabihin sa akin ang alam mo tungkol sa—”

Tinakpan niya ang bibig ko at sumenyas na manahimik ako. Pinindot niya ang tainga ko, indikasyon na makinig ako sa paligid. Sinunod ko siya dahil narinig kong nagbukas nang pinto sa unit ko at yabag ng mga paa.

Maagap kong hinila si Vance at tumawid kami patungo sa kabilang pader.

Nasa kwarto ko sina Ate Hanna at Salie. Nakaupo si Ate Hanna sa kama at tinutupi niya ang mga damit ko. Tumutulo ang luha niya habang sinisilid sa bag ang mga gamit ko.

“Parang kailan lang kausap ko si Danita. Ang saya-saya niya…”

Napakagat-labi ako dahil ang huling pag-uusap namin ni Ate ay kinukumbinsi niya pa akong bumalik sa bahay nila. Kung sinunod ko sana siya, hindi sana ako namatay. Napailing na lang si Vance sa inisip ko.

“Ate, nagpakita sa akin si Danita.” Tinabihan ni Salie ang hipag ko at niyakap niya ito. “Hindi ko alam namamaalam na pala siya sa akin noong araw na iyon.”

Suminghot si Ate Hanna at nagulat ako ng tumutok ang mga mata niya sa kinatatayuan namin ni Vance.

“Nakikita niya tayo?”

Kibit-balikat ang sagot sa akin ni Vance. Sa kagustuhan kong malaman ang teoriya ko ay kumaway ako kay Ate Hanna.

Walang epekto dahil mukhang walang may third eye sa kanila.

“Sino kaya ang pumatay kay Danita?” Pabulong na tanong ni Ate Hanna na humiwalay na kay Salie.

Napasulyap sa may bintana si Salie. “Kung sino man siya, may matinding galit siya kay Danita.”

Malungkot na napatango si Ate Hanna. “Wala naman akong nababalitaan na kaaway ni Danita. Napakabait at masunurun niyang hipag.”

Tumayo na si Ate Hanna at nagtungo na sa may pintuan. “Dadalhin ko muna ang mga gamit ni Danita sa baba,” paalam niya sa kasama.

Inabot ni Salie ang cellphone sa hipag ko. “Ate, sa akin muna ang laptop ni Danita, may mga impormasyon na kukunin ako na kailangan sa opisina.”

Napangunot-noo ako dahil wala naman kahit anong tungkol sa trabaho ang nasa personal laptop ko. Anong gustong malaman ni Salie sa laptop?

“Alam mo ba ang password niya?”

Ngumiti si Salie at pinakita kay Ate Hanna ang pagbukas sa screen ng laptop ko. “Hindi uso ang password kay Danita. Ibabalik ko rin ito, Ate, huwag kayong mag-alala,” pangungumbinsi ng kaibigan ko.

Binitbit ni Ate Hanna ang maleta ko at lumabas na ng condo. Aalis na rin sana si Salie pero may tumawag sa cellphone niya.

“Hello… Oo… Sandali ‘di kita marinig, labas lang ako ng kwarto.”

Ipinatong ni Salie ang laptop sa kama at dali-daling kinausap sa may koridor ang nasa kabilang linya. Pagkasara niya ng pintuan ay binuksan ko ang inbox ko.

“Anong balak mong gawin? Maglalagay ka ba ng password?”

Napailing ako kay Vance at nagtipa sa keyboard. “Bantay ka muna sa may pintuan at may susubukan lang akong hanapin.”

Hindi ko na hinintay ang sagot niya at hinarap ko na ang laptop. Kahit naman kaluluwa na ako ay kaya ko pa rin magpagalaw ng mga bagay. Kayang manipulahan ng isang multo ang pag-iisip ng tao at makakalimutan nito ang kanyang ginawa. Ang epekto nga ay manghihina ng ilang oras ang kaluluwa.

“Bingo!” sigaw ko at mabilis na lumapit sa akin si Vance.

“Sabi ko doon ka muna sa pinto.” Bakit ba ang hirap pakiusapan ng lalaking ito?

Ngumisi siya sa akin. “Di ako basta-basta sumusunod sa utos.”

Inirapan ko na lang siya bago tinuro sa kanya ang email ko.

Humawak siya sa baba niya. “Tayong mga patay ay nagpapadala ng mensahe sa mga buhay.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Tignan mong mabuti ang litrato mo.”

Buong katawan ang kuha sa akin. Pinalaki ko ang litrato at pinindot ko ang mouse para sa zoom.

Noong nabasa ko ang ‘email’ na ito ay… “Nilagutan ka na ng hininga. Isa ka ng malamig na bangkay.”

Huminga muna ako nang malalim bago sumulyap kay Vance. “Gusto kong malaman kung paano ako namatay at kanino galing ang email na ito.”

* * *

Sherlock Holmes at Dr. Watson lang ang naging papel namin ni Vance pagpatak ng gabi.

Naghahanap siya ng ebidensiya sa labas ng 1313 at ako naman sa loob ng kwarto ko.

Tatlong impormasyon ang nakalap namin: una, walang spy camera na nakatago sa loob ng unit ko; pangalawa ay pader ang tapat ng maliit na bintana sa banyo kaya walang ibang pinasukan ang kumuha ng litrato kundi ang pintuan; at panghuli, ako lang ang nag-iisang nangungupahan noong araw na namatay ako.

Sabay kaming napasalampak sa paanan ng kama. Pagod at mauubos na ang enerhiya namin ni Vance.

“Sino sa palagay mo ang may galit sa iyo?”

Nagulat ako sa tanong ni Vance. “Wala akong ideya. Ako nga ang pinakapalakaibigan sa opisina at wala naman akong nakakaalitan.”

Pwede bang sumakit ang ulo ng isang multo? Parang sasabog yata ang ulo ko.

“Huwag ka rito magkalat ng lagim!” Natatawang tumayo si Vance na pumuwesto sa harap ng bintana.

Napapansin ko lang na paborito niya ang lugar na iyon lalo na kung may naiisip siya.

“Anong tumatakbo sa utak mo?” Tumayo na rin ako at sumilip ako sa may bintana, palaisipan pa rin sa akin kung paano ako kinuhanan ng litratro.

“Wala sa katinuan ang pumatay sa iyo.” Nagimbal ako sa narinig ko. “Posibleng sinapian siya.”

~Ikalabing-isang Araw~

Paparating na ang katapusan, handa ka na ba?

‘Bagong salta…’

‘Puti o itim?’

Umikot ang paningin ko sa makapal na usok sa mukha ko.

“Kailangan mo raw ng impormasyon kung sino ang pumatay sa iyo! May alam ako…” May sumulpot na naaagnas na mukha.

“Huwag kang maniwala diyan, pinglalaruan ka lang niya.” Isang putol na ulo naman ang lumutang-lutang sa ere.

“Manahimik kayo at tumabi nga kayo!” Nahawi ng dalawang kamay ni Vance ang maitim na usok.

Kahit na doble ang nakikita ko ay pinilit kong bumangon.

“Sino iyong mga narinig ko?”

Tuluyang nawala ang putol na ulo at naagnas na mukha kaya nakahinga na ako nang maluwag.

“Mga kaluluwang pinagpipiyestahan ka. Nalingat lang ako sandali para magtanong, nakikipagtawaran na sa iyo. “

Mabuti na lang pala at dumating si Vance dahil kung hindi baka napasunod ako ng mga ligaw na kaluluwa. “May nasagap kang impormasyon?”

“Nawalan ng kuryente noong oras na pinatay ka kaya hindi nahagilap ng CCTV camera kung sino ang posibleng pumatay sa iyo.”

* * *

Noong nabubuhay pa ako, wala naman akong kinalaban o nagalit man lang sa akin. Kilala ako bilang mahinahon na tao. Ako pa nga ang umaawat kung may nag-aaway sa mga kaibigan ko. Kaya nakapagtataka na may taong may sama ng loob pala sa akin at pinatay ako.

Sumulpot bigla sa tabi ko si Vance. “Paano kung ‘di mo naman kakilala?” 

Nasa rooftop ako ng condominium. Ngayon ko lang napuntahan ang lugar na ito. Maganda pala rito kasi makikita mo ang buong Maynila. Nagkikislapan ang ilaw ng buong siyudad. Maingay man sa baba ay tila malapit ka naman sa langit sa itaas. Sayang hindi ko man lang ito nakita noong nabubuhay pa ako.

“Sinasabi mo ba na may naligaw lang sa kwarto ko at pinatay lang ako ng walang dahilan.”

Umiling siya sa akin. “May punto ka naman. Marahil ay kakilala at malapit lang sa iyo ang pumatay sa iyo.”

Tama si Vance sa sinabi niya. Sino? Paano niya ako pinatay?

“Iyong kaibigan mo…”

“Si Salie? Bakit?”

“Kanina nang hinahanap kita, nakita ko siyang lumabas sa kwarto mo. Akala ko nga, ikaw.”

“Anong ginagawa niya? May kinuha ba siya? O nakalimutan kunin?” Sa pagkakatanda ko ay may ilang gamit pa na hindi nadala si Ate Hanna.

“Wala naman akong napansin na may dala siya maliban sa cellphone mo.”

“Nasa kanya ang cellphone ko? Hindi ba inabot niya kay Ate Hanna?”

Hinawakan ni Vance ang balikat ko. “Maaring mali ang nakita ko kaya kumalma ka. Kung may gusto kang malaman, puntahan mo ang kwarto ng kaibigan mo at ikaw mismo ang humanap ng katotohanan.

~Ikalabindalawang Araw~

Hindi umuwi si Salie kagabi dahil tumambay sa kwarto niya. Binalita sa amin na huling araw na ng lamay ko. Napilitan kami ni Vance na maging kaibigan iyong masungit na multong umaaligid-aligid sa guwardiya sa may reception area. Mabuti pa siya updated, ako na mismong dating may-ari ng katawan, wala man lang ideya.

“Umabot hanggang sa pinakamababang palapag ‘yang nguso mo.”

Ito na naman si Vance, parang kabute kung sumusulpot.

“Saan ka ba nagliwaliw tuwing gabi? Akala ko sasamahan mo ako sa kwarto ni Salie.”

“Sa tabi-tabi lang, nagtatanong pa rin.”

Sa halos mag-iisang linggo na kasama ko itong si Vance ay nalaman ko na nagpakamatay siya ilang araw lang matapos niyang lumipat sa 1312. Hindi na niya binigay ang detalye basta masalimuot raw ang dahilan kung bakit kinitil niya ang buhay niya. Dati siyang imbestigador kaya pala sineryoso niya ako nang sinabi kong gusto kong malaman kung sino ang pumatay sa akin.

“Nakabalik na ang kaibigan mo. Itinimbre na sa akin mula sa lobby area.”

Nabuhayan ako ng loob sa narinig kong balita kay Vance pero ‘di tulad niya na nawawala at sumusulpot na lang, wala pa akong kakayahan para gawin iyon kaya tumawid ako sa sahig papunta sa ikalabing-isang palapag.

* * *

Sabay kaming kumuha ng unit ni Salie. Ang kwarto niya na 1113 ang nag-iisang bakante sa labing-isang palapag. Dalawa dapat kaming ookupa sa kwarto pero dahil pangarap ko talaga ang magkaroon ng sarili kong condo unit, nagkanya-kanya kami. Ang katulong ni Salie na nagbabayad sa unit niya ay ang Canadian fiancé niya na balak na siyang kunin.

Akala ko ay mag-isa si Salie sa kwarto niya kaya naman nagulat ako nang makita kong may kasama siya. Hindi nga lang niya nakikita.

“Bakit narito ka?”

Ngumisi sa akin ang multo na itim na itim ang balat at mapupulang mga mata. Lumalabas ang dilaw na likido sa nakasara niyang bibig at nakakabahala ang matutulis niyang kuko.

Sino ba ito? Bakit wala rito si Vance para samahan ako?

Si Salie na nakatutok ang atensyon sa laptop na nasa harap niya ay wala kamalay-malay sa nagbabantang panganib.

Sumenyas ang itim na kaluluwa na manahimik ako pero hindi ko sinunod. “Binabalaan kita kapag sasaktan mo ang kaibigan ko, di ako matatakot na kalabanin ka.”

Humalakhak ang masamang espiritu bago may ibinulong kay Salie.

“Anong ginagawa mo? Lumayo ka sa kaibigan ko!” Susugod na sana ako pero pinigilan ko ang sarili ko.

Itinapat niya ang isa niyang kuko sa leeg ni Salie. “Isang maling galaw…”

Napahinto si Salie sa ginagawa niya. Napatulala siya sandali at nagulat akong itinuro niya ako. Lumingon siya sa eksaktong kinatatayuan ko. “Danita?”

“Nakikita mo ako, Salie?” Tuwa ang naramdaman ko dahil matutulungan ako ng kaibigan kong iparating ang nais kong sabihin.

Subalit kumuha si Salie ng kutsilyo.

“Huwag kang lalapit sa akin.” Tinutok niya sa akin ang hawak niya. “Patay ka na.”

“Salie… Bitawan mo ‘yan. Kailangan mo akong tulungan.” Nagmamakaawang wika ko sa kanya.

Ikaw na lang ang pag-asa para mabigyan ng katarungan ang pagpatay sa akin.

Parang ipo-ipo na dumaan sa harap namin ang masamang espiritu. “Hahaha! Isa ka talagang hangal! Mahinang kaluluwa!”

Hindi ko na inasahan ang sumunod nangyari. Tinusok ni Salie ang kutsilyo sa lumulutang kong katawan na bumagsak lang sa sahig at nagmamadaling lumabas ng kwarto. May sumunod sa kanyang itim na usok pero bago ko pa siya masundan ay may puwersang humagis sa akin.

“Sa akin na siya… Wala kang magagawa.”

Tila nagdidiwang na ang itim na usok na pumuno sa buong palapag.   

~Ikalabintatlong Araw~

Natakot lang si Salie…

Pagkukumbinsi ko sa sarili habang hinahanap ko ang kaibigan ko. Nagkita kami ni Vance sa may koridor at mabilis kong isinalaysay sa kanya ang lahat ng pangyayari.

Maristela ang pangalan ng itim na espiritu na namalagi na sa gusaling simula pa nang itayo ito. Siya raw ang kanang kamay ng tagasundo at ang inuutusan upang siguraduhin na mamatay ang nakatakdang mamaalam sa mundo. Walang duda na Maristela ang nakita ko na nasa likuran ko noong gabing pinatay ako.

Ang tagasundo ay isang nahulog na anghel na maaring magpalit ng anyo sa nais nito. Maaari itong maging usok, anino o ang maging espiritu mismo na gumagaya ng mukha ng tao. Pinapakita lamang nito ang kanyang totoong anyo kung susunduin na niya ang taong may masamang budhi.

Isa lang ang sigurado ko, hindi ko nasilayan ang tagasundo nang mamatay ako.

“Ikaw ang bahala kay Salie. Hahanapin ko naman si Maristela bago niya tawagin ang tagasundo,” utos ni Vance.

Naghiwalay kami sa pagitan ng exit stairs. Siya ang magbabantay mula sa ibaba hanggang ikalabing-isang palapag habang ako naman ang maghahanap kay Salie hanggang sa rooftop.

Madaling-araw na at ilang oras na lang ay manghihina na muli ang kapangyarihan namin. Nasaan ka na ba, Salie? Sinilip ko na lahat ng kwarto pero ni anino ng kaibigan ko ay wala akong nasilayan.

Iisa lang naisip na maaring puntahan niya. Sana lang wala siya doon.

* * *

“Sabi kong lumayo ka. Huwag na huwag kang lalapit!”

Naririnig ko ang boses ni Salie. Nakatayo ako sa bungad ng pintuan patungo sa rooftop.

May dalawang anino akong nakikita, ang isa ay ang tagasundo na may suot na kapa pero napapaligiran na itim na usok at katabi nito ay si Maristela na nagpanggap na ako!

Kitang-kita ko ang anyo ni Maristela na kamukhang-kamukha ko.

“Salie… Hindi kita sasaktan,” mahinahong wika ni Maristela.

Pati boses ko ay gayang-gaya niya!

Tumili si Salie at napaatras sa may dulo ng rooftop. Pagsilip doon ay ang ibaba na ng gusali ang makikita.

“Pinatay na kita…”

Napanting ang tainga ko sa sumunod na lumabas sa bibig ng kaibigan ko. Siya ang pumatay sa akin! Bakit Salie?

“Walang kuryente sa buong gusali kaya walang nakakita sa akin ng naglakad ako sa emergency stairs na nakakonekta malapit sa bintana ng kwarto mo. Hindi ako nahirapang buksan ang gilid ng bintana na bahagyang nakauwang. Umuungol ka, binabangungot ka yata pero hindi kita ginising. Tinali ko ang kurdon ng cellphone mo sa leeg bago ko tinakpan ang mukha mo ng unan at tuluyan ka nang nawalan ng hininga.” Nagagalit ang kalooban ko sa pinahayag ng dati kong kaibigan.

Tumingin siya kay Maristela. “Ako ang nagpadala nang email na may litrato ka para iligaw sila na nabangungot ka lang.” Walang kagatul-gatol niyang pahayag.

“Wala naman akong balak na patayin kita pero may naririnig akong boses.” Hinawakan ni Salie ang ulo niya at humagulgol siya bigla. “Patayin raw kita dahil ikaw ang magiging balakid sa pag-akyat ko sa mas mataas na posisyon. Nakikita ko nga na unti-unti mong nakukuha ang loob ng lahat at nauungusan mo na ako. Kung hindi ko gagawin iyon ay maaring ikaw raw ang pumatay sa akin,” pag-amin niya.

Pinaglaruan kami ni Maristela! Hindi dapat naniwala si Salie sa kanya!

“Hindi pa rin tama ang ginawa mo, Salie.”

“Tumigil ka na Maristela!” asik ko.

Napalingon sa akin si Maristela at isang makahulugang ngiti ang gumuhit sa labi niya. “Wala kang magagawa dahil walang makakapigil sa nakatakdang mangyari.”

Mabilis na lumapit si Maristela kay Salie na napatayo na at tuluyang sumampa sa harang.

“Tatalon ako rito,” banta ni Salie na nanginginig na ang boses.

“Huwag na huwag mong gagawin ‘yan, Salie. Mahalaga ang iyong buhay. Kung di ka naawa sa pagpatay sa akin, maawa ka sa buhay mo.”

Kung pwede lang bigyan ng karangalan sa galing sa pag-arte si Maristela ay ako mismo ang nag-abot nito sa kanya.

Umiling si Salie at bago ko pa siya napigilan sa balak niyang gawin ay tinulak siya ni Maristela.

“Salie!!!”

Kasabay ng pagsigaw ko ay may itim na usok na pumalibot sa katawan ni Salie. Ang tagasundo! Tinanggal ng tagasundo ang kapang nakasuot sa ulo niya at hindi ko inaasahan ang nakita ko.

Si Vance… Dinukot ni Vance ang kaluluwa ni Salie!

Mabilis na bumagsak si Salie sa isang nakaparadang kotse. Nakabuka ang mga mata niyang walang buhay at nagkalat ang lasug-lasog niyang katawan. ☁️

This is an entry to Fictory, Bookbed‘s Fic Fest, in which participants write a fic based on a prompt.  This year, the prompts are all horror themed. One winner and one Crowd Favorite (by hits and shares) will receive prizes. If you enjoyed this story, share it or leave a comment below. Remember to add #BookbedFictory!
Advertisements

2 replies on “#BookbedFictory 013: ‘131313’

  1. I don’t even know where to begin. This genre of story telling is very new to me as I am easily spooked.

    Having all those details made me concentrate so much that tiny movement in the room became a jumpscare.

    One of the things I wouldn’t like to experience is watching my self sleeping so this gave me the chills. Everything is well put together to deliver the writer’s ideas.

    Like

Share your thoughts

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.