ni KB Meniado
ANG KWENTO

Habang bakasyon, dapat pagpasok sa senior high school ang pinaghahandaan ni Dino—hindi ang pagbuo ng koneksiyon sa Dimension 048; hindi ang pagdating ng isang batang dimension engineer na si Haya Project; hindi ang paghanap sa medical engineer na si Anita Project; at hndi ang pagiging Agent 001 ng Dimension 196.
Bakit pa kasi siya nagtangkang manood ng live streaming ng laban ni Pacquiao? Dapat nag-review na lang siya para sa entrance exam! Get a copy: Adarna House / Read reviews: Goodreads
MGA NAGUSTUHAN KO
Matagal na noong huli akong magbasa ng YA sci-fi, lalo na’t nakasalin sa Filipino, kaya laking tuwa ko na sa unang sabak pa lang, natuwa na agad ako sa mga pakikipagsapalaran ni Dino kasama si Haya. Madali kong nailagay ang sarili ko sa world-building ng kwento, at masaya kong sinubaybayan ang unti-unting pagbunyag ng mga misteryo ukol sa mga Dimensions, kay Haya at sa nawawalang medical engineer na naging santa na si Anita.
Maraming elemento at pangyayari ang pwedeng ihalintulad sa mga nangyayari sa kasalukuyang lipunan—gaya ng pros at cons ng teknolohiya, pang-aabuso sa mga inosente, paghahanap ng mga alternatibong pag-asa at pagkapit sa pananampalataya. Sa pagpili ni Dino na tulungan si Haya na hanapin si Anita, nakita ko ang pakikisama, pag-unawa sa naiiba sa iyo at ang paalala na kapag ginusto mo, may paraan. Sakripisyo at determinasyon naman ang pinairal ni Haya, sa kagustuhang maibalik si Anita sa Dimension 048. At si Anita? Para sa akin, siya ang nagsilbing simbolo ng isang pangarap, o katuparan ng pangarap. Dahil sa kanya, nabigyan ng purpose at misyon sina Dino at Haya, na siyang nagturo sa kanila—direkta man o hindi—ng mga leksyon sa buhay.
Hindi ko man nabasa ang orihinal na teksto sa Ingles, palagay ko ay naisalin pa rin ang humor at ang overall na tono ng kwento sa Filipino. (Bisitahin si Xi Zuq dito.) Sa akin, mas madaling akong naka-relate kasi may katatawanan na mas naka-capture sa sarili nating salita. Nagustuhan ko ring may kasamang maliliit ngunit importanteng portrayal ng mga araw-araw ng isang batang (nagbibinatang) Pinoy. Paborito ko ang mga magulang ni Dino—napaka-supportive at open-minded, kailangan natin ng mga ganitong representasyon ng pamilya!—pati na rin ang pagso-spoil nila kay Haya gamit ang tinola! 😂
Bukod sa mga iyon, mayroon mga references sa iba pang mga nobela gaya ng Janus Silang at Trese, na maaaring magbigay daan sa mga mambabasa na palawakin pa ang kanilang interes sa akdang Pinoy. Baka sa susunod may pa-crossover na! At dahil nandito na rin tayo, gusto kong mabasa na ang susunod sa series. Palagay ko may madidiskubre na namang bagong dimensyon, o ‘di kaya naman ay mas makikilala pa natin ang institusyon na nasa likod ng mga Projects. At nawa’y kasing-ganda rin ang pambalat ng pangalawang libro! (Gawa ni Paolo Lim; bisitahin ang kanyang website.)
SA MADALING SALITA
Ang Jumper Cable Chronicles: Si Santa Anita ay may kombinasyon ng aksyon at imahenasyon, katatawanan, kulturang Pinoy at aral ng buhay. Wari’y na-jump cable din ako papunta papunta sa ibang Dimension. ☁️
Anything to share? :)