ni KB Meniado
Nakalakhan ko ang Nancy Drew at Goosebump na mga libro kaya nama’t mahilig ako sa mga mystery novels. Nanonood din ako dati ng Detective Conan, kasamang pareho yung palabas sa TV at yung mga pelikula. Noong unang pagkakataong nalaman kong ang Detective Boys of Masangkay series ay waring pinagsama itong mga paborito ko, laking kagalakan ko ng makakuha ako ng kopya.
Pero lumipas na ang tatlong (!) taon at hindi ko pa rin nababasa ang unang libro na patungkol sa isang “mangkukulam.” Ang nakakatuwa (tawa?) pa nito ay bumili pa rin ako nung pangalawang libro sa serye na inilabas noong nakaraang taon.
Aaminin ko, inuna kong basahin itong pangalawang libro dahil una, mas manipis ito, at pangalawa, interesado ako sa ‘closed-door mystery.’ Ngunit siyempre, bago ko pa man binuklat ang libro, sinilip ko rin muna ang review ni Nicai para sa unang installment. Ang rason? Baka may mga clues na nakalatag doon na maaari kong dalhin sa aking pagbabasa.
Sa totoo lang, hindi ko naman ganoon ka kailangang basahin ang naunang libro, o ‘di kaya naman yung review. Sapagkat, ang librong ito ay pwedeng isang stand-alone. Ibig sabihin, pwedeng basahin kahit hindi pa nabasa yung una. Parang isang episode ng Detective Conan—konektado dahil sa kalakhang story arc nito pero may sariling kwento pa rin mismong ito.
At nagustuhan ko ‘yun. Madaling basahin at sundan ang pagkakasulat nito, at bagaman simple ang misteryo kumpara sa mga nakapadetalyadong mystery books, kausi-usisa pa rin. Pwedeng pang-Read Aloud, o ‘di kaya naman pang-play. Marami rin kasing parteng pwedeng isadula, at mga parteng mas magandang makita in action.
Nag-enjoy din ako sa pagkilala kina Uno, Thirdy, Junior at Me-An at ang kanilang pagkakaibigan. Naging interesado rin ako sa mga secondary characters, gaya ng sekretaryang si Jason. Bawat karaker ay may karakter. Haha!
Napansin ko rin ang mga drawings na nakalakip sa mga pahina. Gawa ito ni Borg Sinaban, at sa aking pananaliksik (haha, Google search), marami sa kanyang art ang anime-inspired. Sa akin, napaka-swak nito sa istorya, dahil nga rin sa mga inspirayon nito mula sa ’90s (kung kelan naka-set ang kwento).
Kung hanap mo ay isang mabilisang babasahin na may misteryo, pakikipagsapalaran at pagkakaibigan, siguradong magugustuhan mo ito. Pati na rin ng iyong nakababatang kapatid at pinsan, o ‘di kaya naman ‘yung nakatatanda mong kaibigang gustong balikan ang pagkabata. ☁
Basahin ang review ng Detective Boys of Masangkay: Ang Mangkukulam dito, at panoorin ang #MagbasaMonday ni Bibi Mangki para sa librong ito sa ibaba. Mabibili ang mga kopya mula sa Adarna House.
Anything to share? :)